Pinagtibay ng Sandiganbayan ang hatol na pagkakakulong laban sa isang dating kongresista ng North Cotabato hinggil sa pagkakasangkot nito sa kasong pork barrel fund scam noong 2007.

Ito ay matapos ibasura ng 1st Division ng anti-graft court ang motion for reconsideration na inihain ni dating North Cotabato 2nd District Rep. Gregorio Ipong.

"The court maintains its ruling holding that the prosecution was able to prove the criminal culpability of both accused beyond reasonable doubt," bahagi ng ruling ng hukuman.

Si Ipong ay napatunayang nagkasala sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), at malversation nitong Setyembre 13, 2022.

National

Davao Occidental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Pinatawan ito ng Sandiganbayan na makulong mula anim na taon hanggang 10 taon sa graft at mula 10 taon hanggang 17 taon sa kasong malversation, bukod pa sa multang ₱4.9 milyon.

Kabilang din sa hinatulang makulong at pinagmulta pa sina dating Technology Livelihood and Resource Center (TLRC) chief accountant Marivic Jover at TLRC deputy director general Dennis Cunanan.

Matatandaang lumabas sa imbestigasyon ng Office of Ombudsman na inilabas ni Ipong ang kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel fund upang pondohan ang proyekto ng isang hindi kuwalipikadong non-government organization (NGO) na hindi nagsumite ng implementation at disbursement reports.

Binigyang-diin din ng korte, hindi nakapagharap ng matibay argumento sina Ipong at Jover na magpapawalang-sala sana sa kanila sa kaso.