Usap-usapan ngayon ang caption sa display photo ng isang netizen na nagngangalang "Randlawrence V. Novenario", 21 anyos, mula sa Pola, Oriental Mindoro kasama ang kaniyang nobyang si "Crizel Anne M. Pelaez", 20 anyos, matapos niya umanong buntisin na ang kasintahan dahil sa pagiging selosa nito.

"Binuntis ko na nagseselos eh☺️😘," ani Randlawrence.

"iloveyou mommy & my little princess 👨‍👩‍👧💖."

Human-Interest

'Deserve mong i-flex anak!' Bakit nga ba naiyak ang isang guro sa regalo ng isang pupil?

Sari-saring reaksiyon at komento naman ang natanggap ng mag-partner sa kanilang litrato. Marami ang mga nagpaabot ng pagbati dahil sa biyayang dumating sa kanila, subalit marami rin ang pumuna at nagbigay ng kritisismo sa kanilang dalawa. Naungkat din ang ilang mga isyung panlipunan kagaya ng teenage pregnancy o kaya'y maagang pagbubuntis na hindi pa handa ang mag-partner.

"Congrats sa inyo! Nariyan na 'yan, kahit medyo bata pa kayo, ang mahalaga eh panindigan na lang."

"Ayoko na pala magselos!"

"Buti na lang wala akong karapatang magselos hahaha."

"Go lang mga kuya at ate, panindigan na lang…"

"Ewan ko na lang talaga kapag ginawang standard to."

"Naku, sana nag-isip-isip po muna, mahirap po ang buhay ngayon. Hindi basta-basta ang pagpapalaki ng isang anak."

"Nagkamali kayo, oo, pero hindi lang naman kayo ang unang gumawa niyan. Tama 'yan, kung nagkamali man kayo, huwag n'yo nang dagdagan pa sa pamamagitan ng isa pang pagkakamali. Panindigan na lamang and mag-move forward."

Eksklusibong nakapanayam ng Balita Online si Randlawrence at mapalad na nagpaunlak naman. Aniya, isang taon pa lamang silang magkasintahan ni Crizel. Siya raw ay nag-eextra sa iba't ibang trabaho at ang kaniyang partner naman ay nag-oonline selling. Sa ngayon daw ay nasa ikaanim na buwan na ang ipinagbubuntis ng kaniyang nobya.

Ano ba ang magiging plano nila ngayong magkakaroon na sila ng anak?

"Magtatrabaho kami both sa Manila habang nag-aaral siya para mabigyan namin ng magandang kinabukasan si baby," sagot ni Randlawrence.

Aminado si Randlawrence na umaani siya ng batikos ngayon mula sa mga netizen dahil sa kaniyang viral post, subalit paninindigan daw niya ang kaniyang ginawa. Cool lamang na sinasagot ni Randlawrence ang mga punang natatanggap niya mula sa mga netizen.

"Pinanindigan ko na po talaga… nasa mga tao na po yun kung ano pagkakaunawa nila," dagdag pa ni Randlawrence.

Sa katunayan, sa isang Facebook post ay proud na ipinakita ni Randlawrence ang sonogram photo ng ultrasound ng kanilang magiging baby. Batay sa caption, isang baby girl ang magiging anak nila.

"Hello baby girl," saad sa caption.

Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 104K reactions, 85K shares, at 12K comments ang naturang display photo sa Facebook account ni Randlawrence, kung saan makikita ang litrato nila ng partner, gayundin ang baby bump nito.

Ang isyu ng teenage pregnancy sa bansa

Bagama't nasa tamang edad na sina Randlawrence at Crizel, hindi pa rin maiiwasang hindi maiugnay ito sa teenage pregnancy o maagang pagbubuntis sa murang edad, ng kabataan sa kasalukuyan.

Ngunit ayon sa latest na ulat nitong Nobyembre 10, 2022, sumadsad sa 6.8% ang bilang ng kabataang babaeng nabubuntis nang maaga noong 2021, kung ihahambing sa dating 13.7% noong 2013, batay sa pahayag ni Executive Director Lolito Tacardon ng Commission on Population and Development (POPCOM).

Aniya, ang pandemya ay isa sa mga posibleng dahilan ng pagbaba ng mga naitalang teenage pregnancies sa bansa.

“While the study was conducted during the pandemic, the reduction in teenage pregnancy numbers implies that young people can make informed and responsible decisions about their sexuality, given an enabling environment,” pahayag niya Tacardon.

Nakatulong aniya rito ang pagbaba ng pre-marital sex engagement dahil sa lockdowns gayundin ang bukas na isipang gumamit ng contraceptives at pag-iwas na makabuntis sa pakikipagtalik gaya ng condom.

Sa isyung ito, patuloy na nananawagan ang mga netizen na isulong pa ang Sex Education sa mga paaralan.