Nasa 100 recruitment agency ang binigyan na ng permiso upang magpadala ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA).

Ito ang kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) chief Susan Ople sa isang television interview nitong Miyerkules ng umaga.

“Nag-approve na kami ng 100 na recruitment agencies dito tsaka sa Saudi Arabia. Patuloy 'yung pag-a-approve namin,” pahayag ng opisyal.

Sa kabila nito aniya, hinihimay pa rin ng mga labor attachés ang mga job order na laan sa mga manggagawang Pinoy.

National

‘Julian,’ itinaas na sa ‘typhoon’ category

Matatandaang ipinatigil ng Philippine government ang pagpapadala ng mga OFW sa Saudi noong nakaraang taon dahil hindi pinapasuweldo ang mga ito.

Matapos magkasundo ang gobyerno at KSA, agad na tinanggal ng Pilipinas ang deployment ban nitong Nobyembre 7.

Kaugnay nito, binalaan ng DMW ang publiko laban sa mga indibidwal na nagpapanggap na "middleman" para kunin ang hindi pa nabayarang suweldo ng 10,000 OFWs sa Saudi.

Matatandaang nangako ang KSA na maglalaan sila ng dalawang bilyong riyals upang mabayaran ang sahod ng mga OFW.