Umani ng suporta mula sa pamahalaan ng Sweden ang pagsusumikap ng Department of Transportation (DOTr) na gawing prayoridad ang road safety o kaligtasan sa kalsada.

Kaugnay nito, nanindigan rin si DOTr Secretary Jaime Bautista na dapat mabigyan ng hustisya ang lahat ng biktima ng road crash o aksidente sa kalsada.

Sa kauna-unahang Road Safety Symposium na idinaos nitong Martes, binigyang-diin ni Bautista ang kahalagahan na makamit ng mga biktima ng road crash ang katarungan.

“We should not diminish the importance of attaining JUSTICE for victims of road crashes and seeking peace for the families left behind," anang kalihim.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Base sa datos, nasa 12,000 Pinoy ang namamatay kada taon dahil sa aksidente sa kalsada.

Nangangahulugan ito na mahigit sa 300 katao ang namamatay sa kalsada araw-araw.

Ipinaliwanag ni Bautista na ang road crashes ay hindi lamang nakaka-trauma kundi nagiging sanhi rin ng social cost at nagreresulta sa economic loss, gayundin ng productivity loss na dulot ng pagkamatay, pagkakasakit at pagkasugat ng mga biktima. Iginiit rin ng kalihim na ang road safety ay isang shared responsibility, at ang mga road-related injuries at deaths ay maaaring maiwasan.

"No one deserves the loss of opportunities due to road incidents. Consider yourselves road safety champions. We have shared responsibility to protect every Filipino on the road," aniya pa.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Swedish Ambassador to the Philippines Annika Thunborg na suportado nila ang Pilipinas sa pagsusulong ng kaligtasan sa kalsada.

"Safety, efficiency, and reliability are the hallmarks of all types of public transportation, that is why we are here today showing our support for the Philippine government in promoting road safety," ani Ambassador Thunborg.

Nabatid na bilang tribute sa milyun-milyong biktima ng road crashes at pagkilala sa emergency first responders at medical professionals, inorganisa ng DOTr ang naturang Road Safety Symposium bilang offshoot sa National Day of Remembrance for Road Traffic Victims, Survivors, and Their Families noong Linggo.