Naantig ang damdamin ng mga netizen sa Facebook post ni Ross Leo Forbes Mercurio, nagtapos sa kolehiyo bilang "Cum Laude" sa kursong Bachelor of Science in Agri Business Management and Entrepreneur sa Polytechnic University of the Philippines, Lopez Quezon Branch, matapos niyang i-alay ang kaniyang parangal at tagumpay ng pagtatapos sa kaniyang mga magulang, lalo na sa kaniyang amang "Person with Disability" o PWD na nangangalakal ng basura upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan.

"Una sa lahat, maraming salamat sa aking mga magulang sa walang sawang paggabay at pagsuporta sa akin para ako ay makatapos sa pag-aaral ♥️ lalong-lalo na sa aking huwarang ama na laging andyan para sa aming pamilya na ginagawa ang lahat para maitaguyod kaming magkakapatid para makatapos sa pag-aaral na sa kabila ng kaniyang pagiging senior citizen at kapansanan ay hindi ito naging hadlang para sumuko," ani Ross kalakip ang litrato niya sa naganap na graduation ceremony, gayundin ng kaniyang ama habang nangangalakal.

Hindi umano nagpapahinga ang kaniyang ama sa pagbabanat ng buto, kahit araw ng Linggo, umulan man o umaraw ay matiyaga nitong sinusuyod ang mga lansangan.

"Isang ama na malaki ang pangarap sa kaniyang pamilya na ginagawa ang lahat para lang mapag-aral kaming magkakapatid hindi mo maririnig sa kaniya ang salitang pagod dahil ang iniisip ay kapakanan ng aming pamilya ❤️."

Human-Interest

'Deserve mong i-flex anak!' Bakit nga ba naiyak ang isang guro sa regalo ng isang pupil?

"Pa , this is it 🥰 sobrang proud ako kasi naitaguyod mo kaming magkakapatid sa kabila ng iyong edad at kapansanan hindi ito naging hadlang para matustusan ang pagaaral naming magkakapatid. Sa loob ng 17 years ko na pag-aaral, nasaksihan ko lahat ng pagod at hirap na pinagdaanan natin kaya sobrang proud ako sa'yo, Pa ♥️."

Lagi raw naaalala ni Ross ang paalala sa kaniya ng ama, na ang tanging maipamamana nito sa kanilang magkakapatid ay edukasyon. Kaya naman sa puntong ito, si Ross naman ang babawi sa kaniyang pamilya.

"Pa, hayaan mo na ako naman ang bumawi sa'yo, alam ko minsan may nararamdaman ka na rin. Konting tiis na lang ❤️ Mahal na mahal ka po namin ❤️."

"Ang lahat ng ito ay hindi tagumpay ko kundi tagumpay n'yo ni Mama ♥️ Mahal na mahal ko po kayo di ko man ito masabi sa inyo ng personal pero sobrang proud ako sa inyo 😊🎓".

Sa kaniyang profile photo naman ay idinetalye ni Ross ang hirap ng pagsasabay ng pag-aaral at pagtatrabaho upang makatapos sa kolehiyo.

"Hindi naging madali para sa akin ang pagsabayin ang pag-aaral habang nagtatrabaho, andyan yung stress, puyat at pagod yung kailangan mo ng time management, yung trabaho sa umaga tapos aral sa gabi gawa ng mga project, assignment at activities na kailangan i-submit sa takdang oras."

"Kailangan mo matulog ng hatinggabi, minsan madaling-araw tapos gising nang maagap para pumasok ng trabaho. Minsan napapaisip na ako kaya ko kaya? Naiisipan ko nang sumuko minsan pero maraming salamat kasi andyan kayo nagpapalakas ng loob ko para labanan lahat ng mga pinagdaanan ko na hirap, pagod, puyat at stress 😭 kaya walang sawang pasasalamat po sa lahat ❤️."

"Life has obstacles, but life also has opportunities. As a student like me who is balancing a personal life and work, it can be easy to become overwhelmed with various responsibilities and obligations. When frustrated by these moments, don’t give up. Remember that you are doing this to achieve your dream and push through. Fight for what you deserve," pagbibigay pa niya ng inspirasyon.

Congrats sa iyo, Ross at good luck sa iyong susunod na mga hakbangin sa buhay!