Hindi pa rin matukoy ng Department of Justice (DOJ) ang pinagtataguan ni National Bilibid Prison (NBP) Supt. Ricardo Zulueta na idinadawit sa pagpatay sa mamamahayag na si Percival "Percy Lapid" Mabasa at sa umano'y "middleman" na si Cristito Villamor.
Sinabi ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, nitong isang linggo pa ang ibinigay sa kanila ang impormasyon sa mga lugar na posibleng pinagtataguan ni Zulueta.
Gayunman, iginiit ng opisyal na wala umanong makikinabang sakaling gawan ng masama si Zulueta.
Aniya, may mga hawak pa naman silang ebidensya laban sa mga taong isinasangkot sa pagpatay kina Lapid at Villamor.
Si Zulueta ay kabilang lang sa mga kinasuhan ng murder dahil sa umano'y pagkakasangkot sa pagpaslang kina Lapid at Villamor.
Kasama rin ni Zulueta sa kinasuhan sina suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at iba pang mga presyo.
Namatay si Villamor habang nakakulong sa Bilibid apat na oras matapos iharap sa mga mamamahayag si self-confessed gunman Joel Escorial nitong Oktubre 18 kung saan itinuturo ang una na nag-utos sa kanyang grupo upang patayin si Lapid.
Matatandaang pinatay si Lapid matapos pagbabarilin habang minamaneho ang kanyang kotse malapit sa BF Resort Village, Las Piñas City nitong Oktubre 3 ng gabi.