Isa sa mga napag-usapan nina Cristy Fermin, Romel Chika, at guest co-host na si Wendell Alvarez sa "Showbiz Now Na" ay ang dating Kapamilya actress na si Liza Soberano, na ngayon daw ay tila nabawasan na ang "premium".

"Huwag kayong magagalit sa akin ah, mga fans ni Liza," bangka ni Romel Chika. "Sa totoo lang po tayo, real talk lang po tayo. Bumaba ang premium… ni Liza Sobreano, sadsad…"

"Isipin ninyo, dito bida-bida siya, as in bida, nagli-lead roles sa mga teleserye, maganda ang ratings, mga commercial niya patok, nagpunta sa abroad…"

"Anong tawag sa kaniya?" tanong ni Cristy.

Eleksyon

Kabataan Party-list, itutulak pagpapatalsik kay VP Sara

"International micro-starlet," giit ni Romel.

Mahilig daw magpa-picture si Liza sa mga international stars at nagmumukha lang daw siyang "faney" o tagahanga nila.

"Alam ko pong medyo magiging emosyonal si Ogie Diaz tungkol sa aming usapin na ito," hirit naman ni Cristy.

"Inalagaan ito ni Ogie eh, pinalaki ito ni Ogie. Iningatan ng todo-todo para maabot 'yung pangarap niya. At nagtagumpay naman sila bilang talent at manager…"

"Tapos biglang ganito? 'Yung pinaghirapan niya parang sumadsad eh. Sadsad masyado."

Tingin daw ni Cristy ay tila may "sumusulsol" kay Liza.

"Ito lang punto natin na inalagaan ni Ogie Diaz ang kaniyang karera, pinagtagumpay naman siya ng kapalaran hindi ba? Hindi kaya may nagsulsol sa batang ito para kumawala sa pangangalaga ni Ogie at lumipat ng iba… ako may duda akoe eh," wika ni Cristy.

Bagay na sinang-ayunan naman ng guest co-host na si Wendell.

"Mayroon akong dudang may nagsulsol dito eh, maraming 'consulsultant' dito eh," giit pa ni Cristy.

May ibinulong naman si Wendell kay Cristy na umano'y isang taong kumukuwestyon dati kay Ogie Diaz tungkol sa pamamalakad nito sa career ni Liza.

Kalaunan ay binigyang deskripsiyon ni Cristy na ang tatay umano ni Liza ang kumukuwestyon sa usaping pera o kita nito.

Sa opinyon naman ni Cristy, wala umanong masama sa pag-abot ng mga pangarap basta't kaya naman, subalit may tinatawag daw kasing "linyada".

"Kung dito ka, dito ka. Maghintay ka ng tamang pagkakataon para doon sa hinihiling mo."

Parang kapansin-pansin daw na hindi nanghihinayang si Liza sa mga "nasayang" niya habang nasa abroad ngayon, at pumirma ng kontrata sa kaniyang bagong manager na si James Reid.

Dito raw sa Pilipinas, ang talent manager daw ang nagsisilbing "tagatinda ng produkto" at wala na raw silang iintindihin pa dahil offer na ang lumalapit; sa Amerika daw, kinakailangan pa nilang magpunta sa iba't ibang auditions para lamang magkaproyekto.

Sa ngayon daw, ang naghahari at nagrereyna bilang tambalan ay ang "KathNiel" nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

"Sayang si Liza, ang ganda-ganda pa namang bata," sey pa ni Cristy.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Liza o si Ogie Diaz tungkol dito.