Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang kanyang kapitbahay nang mauwi sa tagaan at barilan ang matagal na nilang sigalot sa ‘right of way’ sa Antipolo City nitong Sabado ng umaga.

Naisugod pa sa pagamutan ang biktimang si Nonito Salluman ngunit idineklara na rin itong patay ng mga doktor dahil sa mga tama ng bala sa katawan habang arestado naman ang suspek na nakilalang si Florante Quimzon, kapwa residente ng Calawis, Antipolo City.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, nabatid na dakong alas-6:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa Purok 6, Calawis, Antipolo City.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na matagal nang may away sa lupa, na may kinalaman sa right of way, ang pamilya ng suspek at biktima.

National

Hontiveros sa pagsailalim kay Guo sa PNP custody: 'Napaka-iregular ng mga nangyayari'

Bago ang krimen ay nagtungo umano ang biktima sa naturang lugar at galit na galit na pinagtataga ng itak ang bakod na gawa sa kawayan na inilagay doon ng suspek noong Biyernes.

Nakita naman umano ng suspek ang ginagawa ng biktima kaya’t naglabas ito ng hindi pa batid na kalibre ng pistola at nagpaputok ng warning shot upang pigilan ang biktima sa ginagawa.

Lalo umano itong ikinagalit ng biktima kaya’t pumasok sa lupain ng suspek at tinaga ito, at nagtamo ng defensive wounds. Nakaramdam ng panganib sa kanyang buhay, pinagbabaril umano ng suspek ang biktima na nagresulta naman sa pagkamatay nito.

Kaagad rin namang naaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek at sa tulong ng mga barangay tanod ay narekober ang baril na ginamit sa krimen.

Ang suspek ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong pagpatay sa piskalya.