Usap-usapan ngayon ang ulat ni ni MJ Marfori sa One Balita Weekend kung saan naispatan daw sina Paolo Contis at Yen Santos na pumasok sa isang hotel, matapos ang Gabi ng Parangal ng Gawad Urian noong Huwebes, Nobyembre 17, kung saan tinanghal siyang "Best Actress" para sa kanilang pelikulang "A Faraway Land" na naging mitsa kung bakit sila iniugnay sa isa't isa.

Ayon sa ulat, magkahawak-kamay pa raw ang dalawa nang pumasok sa isang hotel sa Mandaluyong City. Sweet na sweet pa raw ang dalawa habang nakikipag-usap sa staff na nasa front desk.

Matatandaang sinabi ni Paolo na magkikita sila "in a while" ni Yen nang batiin niya ito sa pagkakapanalo bilang Best Actress, at tamang-tamang kaarawan ni Yen ngayong Nobyembre 20.

“Congratulations Lilieyen Santos. I’m sooooooo proud of you!! Very well deserved! See you in awhile," congratulatory message ni Paolo kay Yen kung saan itinag pa ito sa Facebook account nito.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa ngayon ay hindi na makita ang naturang post.

Sa kaniyang acceptance speech naman ay binanggit at pinasalamatan ni Yen si Paolo. Siya raw aniya ang number 1 fan nito.

"Hi! Magandang-magandang gabi po sa inyong lahat…. napakalaking blessing po na mabigyan ng magandang proyekto sa gitna ng pandemya," ani Yen, ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP.

“2020 po 'yon, kasagsagan ng pandemya na hindi ko sigurado kung kailan magiging okay lahat. Lahat, apektado. Nahinto ang mga trabaho. At dumating po ang A Faraway Land sa akin. Noong in-offer po ito sa akin, inoohan ko agad. At bonus pa na nagawa namin ito sa napakagandang lugar."

“Kaya gusto ko pong magpasalamat sa Mavx Productions, kay Direk Roni (Veronica Velasco), sa staff and crew. Maraming-maraming salamat sa inyo."

“And of course, to my leading man Paolo Contis — sobrang talented, napakagaling na artista. Maraming-maraming salamat sa iyo… I’ll always be your number one fan."

Matatandaang matagal nang nauugnay ang dalawa simula nang maispatan silang magkaholding hands din habang nasa Baguio City, sa kasagsagan ng mainit na isyu ng hiwalayan nila nina Paolo at LJ Reyes.

Hanggang ngayon, hindi pa nagsasalita si Yen tungkol dito, dahil nang makorner siya ng press sa Gabi ng Parangal ng Urian, "I'm okay" lang daw ang itinugon niya habang nakangiti.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o kumpirmasyon ang dalawa tungkol sa isyung ito.