Kaagad na nagpaabot ng pagbati ang aktor na si Paolo Contis sa kaniyang "friend" at leading lady sa pelikulang "A Faraway Land" na si Yen Santos, matapos nitong manalong "Best Actress" para sa 45th Gawad Urian sa ginanap na Gabi ng Parangal nitong Huwebes ng gabi, Nobyembre 17, sa Cine Adarna ng UPFI Film Center sa University of the Philippines Diliman sa Quezon City.

Ito ang kauna-unahang acting award ni Yen sa tanang showbiz career niya kaya naman proud na proud ang kaniyang espesyal na kaibigang si Paolo, dahil natamo pa niya ito dahil sa kanilang pinag-usapang pelikula, na siya ring pinag-ugatan ng mga espekulasyong higit pa sa magkaibigan ang kanilang pagtitinginan.

Sa pagkapanalo ni Yen kasama ng iba pang premyadong artists, isa sa mga unang nagpaabot ng pagbati sa kaniya ay si Paolo.

“Congratulations Lilieyen Santos. I’m sooooooo proud of you!! Very well deserved! See you in awhile," congraulatory message ni Paolo kay Yen kung saan itinag pa ito sa Facebook account nito. Kalakip nito ang litrato ni Yen na tinanggap ang tropeo kasama naman ang itinanghal na Best Actor na si John Arcilla mula sa pelikulang "On the Job: The Missing 8". Si Paolo ay nominado rin sa pagka-Best Actor para sa kanilang pelikula ni Yen.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Marami ang nakapansin sa new look ni Yen na blooming daw. Ito ang unang pagdalo ni Yen sa isang showbiz event matapos ang kontrobersiyang kinasangkutan. Hanggang ngayon, hindi pa siya direktang nagsasalita hinggil sa tunay na relasyon nila ni Paolo.

Matatandaang sa kasagsagan ng isyu ng hiwalayan nina Paolo at dating karelasyong si Kapuso actress LJ Reyes, ay nadawit at nakaladkad ang pangalan ni Yen na siya umanong third party, matapos silang maispatang magkasama sa Baguio City.

Bagay na pinabulaanan naman ng aktor at ipinagtanggol ang aktres, kaya sumikat ang linyahang "as a friend". Dahil sa isyung ito ay tila nanahimik sa showbiz si Yen, gayundin sa social media.

Sa hindi malamang kadahilanan ay hindi na makita ang congratulatory post ni Paolo para kay Yen sa kaniyang personal FB account, habang isinusulat ang artikulong ito.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/11/18/paolo-contis-proud-as-a-friend-kay-yen-santos-matapos-magwaging-best-actress-sa-urian/">https://balita.net.ph/2022/11/18/paolo-contis-proud-as-a-friend-kay-yen-santos-matapos-magwaging-best-actress-sa-urian/

Makikita naman sa Instagram post ni Yen ang kaniyang mga litrato habang hawak niya ang tropeo. Aniya, habambuhay niyang aalalahanin ang parangal na ito mula sa Urian.

"A moment I will treasure for a lifetime," caption niya.

Sa kaniyang acceptance speech ay punumpuno ng pasasalamat si Yen sa Urian, sa kaniyang direktor at nakasama sa produksyon ng "A Faraway Land", gayundin sa kaniyang leading man na si Paolo Contis.

"Hi! Magandang-magandang gabi po sa inyong lahat…. napakalaking blessing po na mabigyan ng magandang proyekto sa gitna ng pandemya," ani Yen, ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP.

“2020 po 'yon, kasagsagan ng pandemya na hindi ko sigurado kung kailan magiging okay lahat. Lahat, apektado. Nahinto ang mga trabaho. At dumating po ang A Faraway Land sa akin. Noong in-offer po ito sa akin, inoohan ko agad. At bonus pa na nagawa namin ito sa napakagandang lugar."

“Kaya gusto ko pong magpasalamat sa Mavx Productions, kay Direk Roni (Veronica Velasco), sa staff and crew. Maraming-maraming salamat sa inyo."

“And of course, to my leading man Paolo Contis — sobrang talented, napakagaling na artista. Maraming-maraming salamat sa iyo… I’ll always be your number one fan."

“And of course, maraming-maraming salamat po, Gawad Urian, for believing in me! Best birthday gift ever! Thank you!” pagwawakas ng talumpati ni Yen.

Tamang-tama ang parangal dahil magdiriwang siya ng kaarawan sa Nobyembre 20. Ang tanong, ito na ba ang sinabi ni Paolo sa kaniyang congratulatory post na magkikita sila?