Makikipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kay Chinese President Xi Jinping sa Thailand ilang araw matapos sabihan ang mga opisyal ng nasabing bansa na itaguyod ang international law kaugnay sa usapin sa West Philippine Sea (WPS).

Nakatakda ang nasabing bilateral meeting ngayong Huwebes na hiwalay sa dinadaluhan nilang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit o pagpupulong ng mga lider ng bansa upang talakayin ang muling pagbangon at kaunlaran sa 21 bansang miyembro nito sa gitna na rin pandemya.

Sa pagdalo ni Marcos sa ASEAN Summit sa Cambodia nitong nakalipas na linggo, umaasa siyang matalakay niya kay Xi ang usapin sa WPS. Gayunman, si Chinese Premier Li Keqiang ang nakapulong nito.

Nabanggit ni Marcos na dapat na isulong ng mga opisyal ng China ang pandaigdigang batas at sumunod sa naging desisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) sa usapin sa WPS.

National

‘Julian,’ mas lumakas pa; Signal No. 3, itinaas na

Noong 2013, nagreklamo ang Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands laban sa pag-angkin ng China sa WPS.

Naglabas ng ruling ang international tribunal pabor sa Pilipinas at kinontra ang pahayag ng Beijing na sila ang may karapatan sa pinag-aagawang karagatan.

Gayunman, hindi sinunod ang nasabing desisyon ng korte dahil sa patuloy na pangingisda ng mga Chinese vessels sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa WPS.

Bukod dito, hinarang din ng Chinese Coast Guard ang mga sundalong Pinoy na nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal kamakailan.