Sa tulong ng ilang concerned citizen, naaresto ng mga security guard ang isang lalaki na sumaksak sa isang call center agent gamit ang screw driver sa Barangay Bagumbayan, Quezon City npong Lunes ng gabi, Nob. 14.

Kinilala ng Quezon City Police District ang suspek na si John Hofre Mecedilla Madriaga, 43, residente ng Manggahan, Pasig City.

Sinabi ng QCPD na naglalakad ang biktimang si John Harris San Juan Magana, 29, kasama ang kasama nitong si Princess Jasmine Canezares, sa harap ng E-Commerce Building sa Citywalk, Eastwood sa nasabing barangay dakong alas-10 ng gabi nang biglang lumapit sa kanila si Madriaga mula sa likuran at pinagsasaksak ng ilang beses gamit ang screw driver.

Sinabi ng pulisya na ilang concerned citizen na nakasaksi sa insidente ang namagitan at hinila ang biktima palayo sa suspek.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sinubukan pang tumakas ni Madriaga, ngunit hinabol siya at nakorner ng ilang motorcycle rider at mga security guard.

Ang biktima ay isinugod sa Quirino Memorial Medical Center ng Barangay Bagumbayan medical team para magamot habang ang suspek ay dinala sa QCPD Eastwood Police Station (PS 12) para sa imbestigasyon.

Sinabi ng pulisya na sasampahan ng kaukulang kaso ang suspek.

Nagpasalamat si QCPD director Brig. Gen. Nicolas Torre III sa mga concerned citizen na tumulong sa pagsagip sa buhay ng biktima at pagdakip sa suspek.

Aaron Homer Dioquino