Iimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang mga alegasyon ng umano'y mastermind sa pagpatay kay veteran journalist Percival "Percy Lapid" Mabasa na si suspended Bureau of Corrections (BuCor) director-general Garald Bantag laban sa isang convict na nagngangalang German Agojo.
"'Yung kanyang allegation regarding dito po sa German Agojo po ay iimbestigahan po 'yan at titignan din po ng PNP at NBI 'yan," paniniyak ni PNP spokesperson, Col. Jean Fajardo nang kapanayamin sa telebisyon nitong Lunes ng umaga.
“Sabi ko nga before, even the Department of Justice and Department of the Interior and Local Government po, nagsabi po na from the start we will proceed where the evidence take us,” pagdidiin ni Fajardo.
Gayunman, nanawagan ito kay Bantag na iharap nito ang kanyang depensa at ebidensya sa tamang lugar katulad na lamang sa preliminary investigation at hindi sa mga mamamahayag.
Nitong nakaraang Biyernes, lumantad si Bantag at nagpa-interview sa isang telebisyon at itinanggi ang kaso kasabay ng paglantad nito ng alegasyon laban kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla.
"Wala kang kuwentang secretary. Step down ka na! Mawalang galang...'Wag mong sirain ang magandang pangalan ng DOJ pati ng NBI (National Bureau of Investigation)," bahagi ng batikos ni Bantag kay Remulla nitong nakaraang linggo.
Inaakusahan si Bantag na may pakana umano sa pagpatay kay Lapid at sa umano'y "middleman" sa kaso na si Cristito o Jun Villamor Palaña.
Kamakailan, kinasuhan din ng murder si Bantag, kasama si National Bilibid Prison (NBP) Supt. Ricardo Zulueta at apat na iba pa dahil umano sa pagkakadawit sa pagpatay kina Lapid at Villamor.Si Villamor ang sinasabi ni self-confessed gunman Joel Escorial na nag-utos sa kanya upang paslangin si Lapid sa bisinidad ng BF Resort Village sa Las Piñas nitong Oktubre 3 ng gabi.
Binawian ng buhay si Villamor apat na oras matapos iharap sa publiko si Escorial.
Nauna nang inihayag ni Bantag na inatasan siya ni Remulla na hugutin sa Witness Protection Program ng DOJ ang presong si Agojo.
Sinabi rin nito na sina Agojo, Villamor at Escorial ang sangkot sa pagpatay kay Lapid.
Ayon pa sa kanya, may kinalaman din umano ang tatlo sa pagpatay sa isang huwes sa Tagaytay. Si Agojo aniya ang tumatayong pinuno ng grupo.