Hinamon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang China na sumunod saUnited Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) hinggil sa usapin at itaguyod ang international law.
“Well, sinabi ko nga na kailangan ay sundan natin ang batas, kailangan sundan natin ang international law, sundan natin ang UNCLOS para naman… dahil napakahalaga ng trade na dumadaan diyan sa South China Sea, hindi lamang para sa Asia, kundi para sa buong mundo,” pahayag ni Marcos sa mga mamamahayag na nakabantay sa ASEAN Summit sa Cambodia.
Paliwanag naman ng Office of the Press Secretary, tumugon lamang si Marcos sa tanong ng mga mamamahayag kaugnay sa pakikipag-usap sa China hinggil sa pinag-aagawang South China Sea isang araw pagkatapos niyang makipagpulong kay Chinese Premier Li Keqiang kung saan tinalakay ang pagtutulungan ng dalawang bansa.
Matatandaangbago bumiyahe sa Cambodia si Marcos nitong nakaraang linggo, sinabi nito na umaasa siyang matalakay niya kay Chinese President Xi Jinping ang usapin sa West Philippine Sea (WPS).
Noong 2013, nagsampa ng reklamo sa international tribunal ang Pilipinas laban sa China kaugnay ng pagsakop nito sa bahagi ng WPS.
Nagtagumpay ang Pilipinas sa nasabing kaso matapos magdesisyon ang United Nations (UN) Permanent Court of Arbitration na mayroong exclusive sovereign rights ang bansa sa pinag-aagawang karagatan at sinabing "invalid" ang ipinagmamalaking "nine-dash line" ng China.
Gayunman, hindi tinatanggap ng China ang ruling ng korte at nananatili pa rin ang mga Chinese vessel sa lugar at hinarang pa ang resupply mission ng bansa sa Ayungin Shoal noong Hunyo.
Pinagbabawal din ng China ang mga mangingisdang Pinoy na magtungo sa WPS.