Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na mag-ingat dahil sa inaasahang pagbabalik ng harap-harapang pagtitipon ngayong Christmas season.
Dahil dito, nanawagan ang ahensya na magpabakuna na at magpaturok ng booster shots upang tumibay ang proteksyon laban sa coronavirus disease 2019.
Sa isinagawang pulong balitaan nitong Sabado, binanggit ni DOH officer-in-charge, Undersecretary Maria Rosario Vergeire, dapat alam ng lahat ang panganib na maidudulot ng pagtatanggal ng face mask.
"Alam ho sana natin lahat kung ano ang risk level natin kung kailan tayo magtatanggal ng mask at kung kailan sa tingin natin tayo ay dapat o hindi dapat naka-mask," sabi ni Vergeire.
"Wala po tayo restrictions as to age or capacity kaya tayo ay nagpapaalala na tayo na mismo sa ating sarili magkaroon ng informed decision kung kailan tayo pupunta sa pagtitipon na maraming tao," lahad ng opisyal.
Sa datos ng DOH, nasa 73.6 milyon na ang fully-vaccinated sa bansa, kabilang na ang 20.7 milyong tumanggap na ng booster shots.
Matatandaang naglabas ng kautusan si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. nitong Oktubre 28 na nagsasabing optional na lang ang paggamit ng face mask sa indoor settings.
ReplyForward