Binalaan ni Senador Risa Hontiveros si Pangulong Bongbong Marcos tungkol sa umano'y labis na pangungutang. Aniya, huwag daw sana nitong tularan si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“'Wag sanang tularan ni President Marcos si ex-President Duterte na nagpumilit umutang sa China kahit hindi naman kailangan. Kaya, President Marcos, hinay-hinay lang sa pera ng bayan,” saad ni Hontiveros.

Nangyari ang pahayag na nito habang patuloy pa ring pinagdedebatehan ng Senado ang national budget para sa taong 2023.

Sa budget debate, binanggit ni Hontiveros ang dalawang pangunahing proyekto. Ito ay ang Kaliwa Dam project na may halagang P18 bilyon at South Luzon Long Haul Rail Project mula Calamba hanggang Matnog sa Sorsogon na may halagang P171 bilyon, na ngayo'y kapwa hindi pa natutuloy dahil hindi pa nakakatugon ang mga Chinese investor na magpapahiram sila ng pera sa gobyerno ng Pilipinas upang tustusan ang mga proyektong ito.

National

Maza kay VP Sara: 'Hindi ikaw ang bida dito kundi ang taumbayang kinauutangan mo!'

Ayon sa senador, isang "blessing in disguise" ang pagka-delay ng mga proyekto.

“Dapat maiwasan ni Pres. Marcos ang mga dambuhalang utang na naka-amba dahil kay President Duterte, lalo na kung hindi naman pala utang ang kailangan ng mga proyektong ito. We should do everything so government avoids taking on the heavy loan burden itself,” pagbibigay-diin ni Hontiveros.

Binanggit din niya na noong 2016 ay mayroon nang shortlist ng mga pribadong sektor na pre-qualified na mag-bid para sa pagkakataong gumawa ng capital investments para sa dalawang pangunahing proyekto.

Bukod pa rito, hinihikayat ni Hontiveros ang National Economic and Development Authority (NEDA) na rebyuhin ang economic viability ng Mindanao Rail at ng Subic-Clark Rail projects.

“We have reason to believe that economic evaluation of these projects was not thorough at all. These two projects were also originally offered for China to finance, but the need for them at this time should really be re-examined. Baka wala pong sumakay at maging white elephant projects lang ang mga ito,” babala ng senadora.

“Duterte’s pivot to loan financing to the exclusion of PPP for his flagship projects was an unsustainable tactic, and reliance on China for loans even more so,” dagdag pa niya.

Ayon sa Bureau of the Treasury, lumobo na sa P13.5 trilyon ang utang ng Pilipinas, dahil sa pagbaba ng halaga ng piso kamakailan. Lumampas na rin ang gobyerno sa borrowing limit na nakatakda para sa 2022.

“We need to make sure that the projects get underway soon, however. Kailangan lang ituwid ang baluktot na naging kalakaran. Huwag nating hayaang nakatengga ang mga riles na ito. These railways can be an absolute gamechanger for Filipinos. It is high time we make these projects happen for our country," ani Hontiveros.