Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga mangangaroling ngayong Pasko na dapat pa ring magsuot ng face mask laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, may banta pa rin ng sakit kahit pababa na ang trend ng kaso nito.
Bukod dito, pinayuhan din ang mga nasa vulnerable population, lalo na sa mga senior citizen na gumamit pa rin ng face mask upang makaiwas sa nasabing sakit.
Kaugnay nito, plano na ng DOH na irekomenda ang ilang pagbabago sa alert level system hinggil sa pandemya at ang mga nakasanayang restrictions nito.
Aniya, inirekomenda na ng DOH sa Inter-Agency Task Force na paghiwalayin na ang alert level system at ang mga restriction na kaakibat nito.
"Ibig sabihin dapat ang alert level, ginagamit na lang natin para masabi kung ano 'yung risk level ng lugar. Parang storm signal na lang. Pero tatanggalin na natin kung ano ang restrictions dahil alam naman natin hindi na siya appropriate at this point," ayon pa sa opisyal.