Isang lalaki ang patay nang mabundol ng isang sasakyan habang tumatawid sa kalsada sakay ng kanyang bisikleta sa Rodriguez, Rizal nitong Miyerkules ng madaling araw.

Dead on arrival sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang biktimang nakilala lang na si Elprado Patricio Sr. bunsod nang tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan.

Samantala, nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng nakabundol na behikulo na si Mark Joshua Denilo at sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide sa piskalya.

Batay sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-2:00 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa J.P. Rizal St., Brgy. Manggahan, Rodriguez, Rizal. 

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Minamaneho umano ni Denilo ang kanyang behikulo at binabagtas ang naturang lugar patungo sa direksyon ng Brgy. Balite, nang hindi nito mapansin at aksidenteng mabundol ang biktima na noon ay tumatawid ng kalsada sakay ng kanyang bisikleta, mula sa secondary lane.

Sa tindi ng impact nang pagkakabangga ay tumilapon ang biktima at nagtamo ng seryosong sugat na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.