Tumestigo na sa hukuman ang model na si Deniece Cornejo laban sa komedyante at television host Vhong Navarro kaugnay ng pagdinig sa iniharap na petition for bail ng huli.
Dakong 1:20 ng hapon nang dumating si Cornejo sa Taguig Regional Trial Court Branch 69, kasama ang abogadong si HowardCalleja.
Si Cornejo ay ikatlong testigo ng prosekusyon sa nasabing bail hearing nia may kaugnayan pa rin sa kasong rape na isinampa nito laban kay Navarro.
Nahaharap si Navarro sa kasong panggagahasa umano kay Cornejo sa condominium unit nito sa Bonifacio Global City noong Enero 17, 2014.
Nakakulong pa rin si Navarro sa National Bureau of Investigation (NBI) mula nang sumuko nitong Setyembre 19 kasunod ng inilabas na warrant of arrest ng korte para sa nabanggit na kaso.
Walang inirekomendang piyansa ang hukuman sa pansamantalang kalayaan ni Navarro sa naturang kaso.
Sa pahayag naman ng legal counsel ni Navarro na si Alma Mallonga, isasalang muli sa witness stand si Cornejo sa nakatakdang hearing sa Nobyembre 10 na huling araw naman ng paghaharap ng ebidensya ng prosecution panel laban kay Navarro.
Jonathan Hicap