Iniulat ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes na nasa 97.5% na ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang nakabalik na sa limang araw na full face-to-face classes.

Ayon kay DepEd spokesperson Atty. Michael Poa, ang 2.36% naman ng mga public schools ay pinahintulutang magdaos ng blended learning.

Kabilang aniya dito ang mga apektado ng pananalasa ng bagyong Paeng. Matatandaang base sa kautusan ng DepEd, lahat ng pampublikong paaralan ay iminamandato nang magdaos ng limang araw na face-to-face classes simula noong Nobyembre 2.

Ang mga pribadong paaralan naman ay pinahintulutang mamili kung nais ng mga ito na magdaos ng limang araw na face-to-face classes, blended learning, o full distance learning.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Poa na maayos ang pagbabalik ng in person classes sa public schools.

“Nakita naman po natin na naging maayos naman po ang pagre-resume natin ng classes. Wala naman tayong major incidents, although siyempre meron pa rin tayong affected schools dahil sa Typhoon Paeng,” paliwanag pa ni Poa sa isang pulong balitaan. Ani Poa, nasa 324 paaralan ang nagtamo ng infrastructure damage dahil kay Paeng habang 435 pa ang ginagamit na evacuation centers.

Tiniyak pa ni Poa na nakikipag-ugnayan na ang DepEd sa local government units upang maihanap nang paglilipatan ang mga evacuees upang makabalik na sa eskwela ang mga mag-aaral.

“Nakapag-download naman tayo ng cleanup funds, as well as funds for the necessary TLS (temporary learning spaces) that we have to put up in these areas,” aniya pa.