Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) ang apat na miyembro ng pamilya ng beteranang aktres na si Sharon Cuneta.
Ito ang isinapubliko ng aktres matapos i-post sa kanyang Instagram ang resulta ng Covid-19 test.
"Now 4 in our family are down with Covid. Oh. Em. Gee. Please, please pray for us all," bahagi ng caption nito.
Gayunman, tumangging banggitin ni Cuneta kung sinu-sino sa kanilang pamilya ang nahawaan ng virus.
Kamakailan, sunud-sunod ang social media post ni Cuneta sa kanilang pagbabakasyon sa Australia, kasama ang asawang si dating Senator Kiko Pangilinan at tatlong anak na sina Frankie, Miel at Miguel.
Nitong Oktubre, nagdaos din ng concert tour si Cuneta sa Australia.
Matatandaang nagpositibo na rin sa Covid-19 si Pangilinan noong Enero kaya sumailalim sa self-isolation ang buong pamilya ni Cuneta. Gayunman, matapos ang itinakdang isolation period, sinuri ang mga ito kung saan sila nagnegatibo sa sakit bago pa ideklara ng doktor na "false positive" si Pangilinan.