Mga sinindihang tira-tirang kandila galing sa sementeryo ang nagpailaw sa gitna ng kalsada sa Barangay Dulong Bayan sa Mogpog, Marinduque noong Martes ng gabi bilang pagbibigay gabay sa kaluluwa ng mga namayapa.

Sa Facebook post ng netizen na si Ernan Licon nitong Martes, ibinahagi niya ang makulay na tradisyon ng lugar na tinatawag nilang “Tirikan.”

Sa inipong mga kandila mula sa sementeryo, o mula mismo sa komunidad, sabay-sabay na titirikan ang mga ito sa gitna ng kalsada.

Paraan umano ito ng pagdarasal para sa mga namayapang mahal sa buhay.

Human-Interest

Mahanap kaya? Lalaking hinahanap nawalay na biological parents, usap-usapan

Dagdag ng netizen, ang ilaw ang magsisilbing gabay ng mga kaluluwa sa walang hanggang kapayapaan.

Kalakip ng mga larawang ibinahagi ng uploader, nahumaling ang maraming netizens sa kakaibang tradisyon ng lugar.

Bagaman malawakang pagtirik ng kandila ang karaniwang tradisyon tuwing Undas sa bansa, ang kultura ng Mogpog ay naiiba gayunpaman pagdating sa dagdag na konteksto sa liwanag nito at intensyonal na paglagak sa kalsada.

Samantala, ilang netizens naman ang napahayag ng pagkabahala sa maaaring peligro naman na dala ng tradisyon kabilang na ang posibleng aksidente sa daan.

Paliwanag ni Licon, “May nakabantay po bawat kanto diyan pag may madaan po na sasakyan pansamantala po naming napatay yung mga kandilang nakatirik at saka po namin sisindihan pag nakalampas na po.”

Sa pag-uulat, ibinahagi na ng nasa 567 beses ang pinusuang Facebook post.