Masayang ibinahagi ng batikan at premyadong aktres na si Jaclyn Jose ang pagdiriwang niya ng kaarawan kasama ang anak na si Gwen Garimond, ayon sa kaniyang Instagram posts nitong Nobyembre 1, 2022.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Pinasalamatan ni Jaclyn ang mahahalagang tao sa buhay niya, gaya ng kaniyang "Tita Emmy Edith" at maging ang apong si Ellie Eigenmann, na hindi man nakadalo sa kaniyang birthday celebration ay nag-Facetime naman sa kaniya. Si Ellie ay apo niya sa anak na si Andi Eigenmann at aktor na si Jake Ejercito.

"Thank you anak for having my bday wonderful, and Ellie apo ko for the face time in greeting me. I Love you," aniya.

Isa-isa ring bumati sa kaniya ang mga kaibigan at kasamahan sa showbiz, gaya nina Aiko Melendez, Cheena Crab, Sandy Andalong, Ogie Diaz, at iba pa.

Subalit napansin ng mga netizen ang makahulugang komento ni Jaclyn sa mismong Instagram post niya.

"Salamat! So much appreciated! Luv you all… sana bumati si Andi para mas complete. Oh well… I am good salamat talaga sa effort sobra!"

Screengrab mula sa IG ni Jaclyn Jose

Hindi lamang daw si Andi ang nakalimot na bumati sa kaniya kundi maging ang partner nitong si Philmar Alipayo.

"Philmar din di bumati. You are the father of my grandchildren. Ok lang, no big (deal) pero di ba?"

Sagot na lamang niya sa mga nagtatanong, "BZ" o "busy".

Screengrab mula sa IG ni Jaclyn Jose

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.

"Hirap magkatampuhan. Magulang pa talaga ang need mag-reach out. Sa ganyan problema sana hindi na lang sumali ang partner. Respect pa rin dapat sa ina ng asawa. So much hatred. Kelan pagpapatawaran, pag wala na ang ina?"

"Binati na po ba kayo? Happy birthday po maam."

"Bakit si Andi asan si Ellie lang bumati?"

Bagama't hindi malinaw kung may tampuhan ba ang mag-ina, matatandaang naging makahulugan ang dahilan ni Jaclyn kung bakit niya nasabing magreretiro na siya sa showbiz.

“I am retiring….marami po[ng] salamat," simpleng caption ni Jaclyn sa buradong IG post.

Sinegundahan pa niya ito sa comment section na maaaring dahilan ng kaniyang planong paghinto na sa aktingan.

"I just sooooo luv Andi and Gwen most and foremost to have come into this."

"Masakit but… I know I have to go," aniya pa.

Maikli man, subalit nataranta ang kaniyang mga tagahanga sa kaniyang anunsyo ng pagreretiro, lalo't naging sunod-sunod ang mga naging proyekto niya sa GMA Network. Ang huling teleserye niya ay "Bolera" na pinagbidahan ni Kylie Padilla.

Ngunit ilang saglit lamang ay agad niyang binura ang IG post. Ayon sa ipinadalang mensahe sa isang entertainment portal, gusto na raw talagang magretiro ng award-winning actress subalit may dalawang taon pa siyang kontrata sa Kapuso Network.

"I wanted to but I still have (a) 2 years contract with GMA," aniya.

Marami naman sa mga tagahanga niya ang tila nakahinga nang maluwag.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/09/03/jaclyn-jose-hindi-na-muna-tuloy-sa-pagreretiro/">https://balita.net.ph/2022/09/03/jaclyn-jose-hindi-na-muna-tuloy-sa-pagreretiro/

Kasalukuyang abala si Jaclyn sa shooting nila ng pelikulang "Labyu with an Accent" na unang pagtatambal nina Coco Martin at Jodi Sta. Maria sa pelikula, at opisyal na lahok ng Star Cinema sa 2022 Metro Manila Film Festival.

Samantala, wala pang update kung nagpahabol ba ng pagbati sina Andi at Philmar, o kung may mensahe o reaksiyon sila sa sinabi ni Jaclyn.