Kahit tinalo na ang dalawang malalakas na koponan--ang Bay Area Dragons at Magnolia kamakailan, 'di pa rin kumpiyansa ang Ginebra San Miguel sa susunod nilanglaro laban sa Terrafirma Dyip sa PBA Commissioner's Cup sa Araneta Coliseum sa Biyernes.
Sinabi ni Ginebra coach Tim Cone, pinaghahandaan na nila ngayon ang Dyip kahit hindi pa nananalo sa anim na sunud-sunod na laro.
Nitong nakaraang Linggo, dinispatsa ng Gin Kings ang Magnolia, 103-97, kaya nadungisan ang 5-0, panalo at talo na kartada na huli. Hawak na ngayon ng Magnolia ang 5-1, panalo at talo.
Matatandaang pinataob ng Ginebra ang powerhouse na Bay Area Dragons, 111-93, nitong Oktubre 9.
Aniya, hindi sila dapat maging kampante laban sa Terrafirma na inaasahan niyang pupuwersa upang makuha ang unang panalo.
Tangan ngayon ng Ginebra ang kartadang 3-2, panalo at talo.