Kabilang na si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Director General Gerald Bantag sa persons of interest sa pamamaslang sa broadcaster na si Percival "Percy Lapid" Mabasa.
Ito ang ibinunyag ni Philippine National Police (PNP) chief Rodolfo Azurin, Jr. sa ipinatawag niyang pulong balitaan sa Camp Crame nitong Lunes, Oktubre 24.
Si Bantag aniya ay kasama sa 160 na personalidad na binabanatan umano ni Mabasa sa kanyang programa sa radyo na, "Percy Lapid Fire."
Aniya, kabilang din sa mga "tinitira" ni Mabasa ang ilang opisyal ng militar at pulisya batay na rin sa pauna nilang imbestigasyon.
"'Yung nabanggit ko na out of the 160 na mga personalities doon na mga nakasama doon sa issues doon sa programa ni Sir Percy Lapid, ay lahat po 'yun persons of interest," sabi ni Azurin at idinagdag na kabilang sa mga ito si Bantag.
Si Bantag ay nasuspindi kamakailan dahil sa pagkamatay ng isa sa umano'y "middleman" sa pamamaslang kay Mabasa na si Crisanto Villamor, Jr. nitong Oktubre 18.
Itinuturo ng self-confessed gunman na si Joel Escorial si Villamor na umano'y nag-utos sa kanilang grupo na patayin si Mabasa.Matapos sumuko si Escorial sa pulisya, iniharap ito sa publiko at matapos ang apat na oras ay naiulat na namatay na si Villamor nang "mawalan umano ng malay" habang nakakulong sa National Bilibid Prison (NBP).