Isang Bulakenyo ang pinalad na makapag-uwi ng tumataginting na mahigit₱188.4 milyong jackpot prize ng SuperLotto 6/49 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Linggo ng gabi.

Sa abiso ng PCSO, nabatid na matagumpay na nahulaan ng mapalad na mananaya ang six-digit winning combination na 09-03-19-13-20-29 ng SuperLotto 6/49 kaya’t naiuwi nito ang katumbas nitong premyo na₱188,471,378.80.

Nabili umano ng mapalad na mananaya ang kanyang lucky ticket sa Guiguinto.

“Ticket for the SuperLotto 6/49 Game bought from Guiguinto, Bulacan won the jackpot prize of P188,471,378.80 for October 23, 2022 draw,” anang PCSO.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Kaugnay nito, pinayuhan naman ng PCSO ang lucky winner na upang makubra ang kanyang napanalunang premyo ay dalhin lamang ang kanyang lucky ticket sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City at magprisinta ng dalawang balidong identification cards.

Samantala, wala pa ring nakahula sa six-digit winning combination na 39-07-58-37-50-16 ng UltraLotto 6/58 na binola rin ng PCSO nitong Linggo ng gabi, kaya’t hindi pa rin naiuwi ang katumbas nitong jackpot prize na₱152,287,283.60.

Inaasahan namang madaragdagan pa ang naturang premyo sa susunod na bola nito sa Martes.

Ang SuperLotto 6/49 ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Linggo habang ang UltraLotto 6/58 ay binobola naman tuwing Martes, Biyernes at Linggo.