Nagsalita na ang tinaguriang "Ultimate Multimedia Star" na si Toni Gonzaga hinggil sa kontrobersiyal na pag-alis niya sa ABS-CBN sa kasagsagan ng kampanya noong Pebrero 2022, at makalipas ang ilang buwan, ay lumipat na sa panibagong home network na ALLTV.
Ayon sa ulat ng showbiz site na Philippine Entertainment Portal o PEP, naganap ang pagsagot ni Toni sa mga naipon nang katanungan sa kaniya nitong Sabado, Oktubre 22, sa Coffee Project sa Wil Tower, Lopez Drive, Quezon City.
Dito ay natanong kay Toni kung kumusta ba ang realsyon niya sa dating ABS-CBN bosses. Aniya, "very internal" daw ang naging pag-uusap nila ng mga bosing sa dating home network, kaya hindi niya maaaring i-disclose.
Ayaw na rin ni Toni na pag-usapan ang mga nangyari. Sila-sila na lamang daw ng mga boss ng Kapamilya Network ang nakakaalam, kung anuman ang kanilang mga naging diskusyunan sa kaniyang pag-alis.
2020 pa pala walang kontrata si Toni sa Kapamilya Network kaya hindi rin siya napigilan ng mga bosing sa kaniyang pag-exit noong Pebrero, matapos niyang mag-host ng proclamation rally ng UniTeam sa Philippine Arena.
"So, grateful. Mas grateful ako sa mga nangyari in the past… I’m grateful that everything happened, how it happened, and why it happened because it has led me where I am today."
Tila napaisip pa raw ang TV host nang mauntag siya kung wala bang nasunog na tulay sa pagitan nila at ng dati niyang network. Pag-amin niya, hindi raw niya ito masasagot sa ngayon, subalit nagkakausap pa sila sa text messages ng mga boss, lalo na ang presidente nitong si Carlo Katigbak. Sapat na raw iyon para kay Toni.
Inamin din ni Toni na noong 2020 pa lamang ay may dalawa nang network na nag-ooffer sa kaniyang pumakabilang-bakod na siya, at ang target daw ay ang "Toni Talks".
Sa puntong iyon ay "itinambay" muna ito ni Toni dahil wala pa sa wisyo niya ang paglipat ng home network. Hanggang sa dumating na nga ang planong pagbubukas ng isa pang TV network ng mga Villar, na kaibigan nila ng mister na si Direk Paul Soriano.
Ito raw ang humimok sa kaniya na tahakin ang pinakanakakatakot na desisyong maaari niyang gawin sa buhay niya. Sey daw ng kaniyang mister, piliin niya ang "scariest decision" dahil dito lalago ang isang tao.
Kinausap daw niya ang kaniyang Mommy Pinty Gonzaga tungkol sa planong paglipat ng network at pumayag naman ito.
Kaya sa mga nagsasabi raw na malaki ang offer sa kaniya ng ALLTV, hindi raw ito totoo, dahil kung tutuusin, mas malalaki pa nga raw ang offer sa kaniya ng dalawang TV networks na "namimirata" sa kaniya noong 2020.
Gusto raw ni Toni na maging bahagi ng anumang pagbabago, kagaya ng isang network na unti-unting pinauunlad at pinalalago. Kaya naman, sana raw ay mag-move forward na ang lahat.
Nilinaw din ni Toni na wala siyang masamang tinapay o sama ng loob sa Kapamilya stars. Sa kasagsagan man ng pag-cancel sa kaniya noon, wala raw siyang kahit sinong pinagsalitaan nang masama.
Nabanggit pa nga ng direktor na si Olivia "Inang" Lamasan noon, sa naging panayam sa kaniya ni Toni sa Toni Talks, na minsan nang nagpataga ng talent fee si Toni para sa mga empleyado ng network, na naapektuhan dahil sa pandemya at isyu ng franchise renewal.