Posible umanong ang XBB subvariant ng Omicron ang sanhi nang pagdami ng naitalang COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) noong Setyembre.

Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, ito ay base na rin sa kanilang isinagawang analysis hinggil sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

Inaalala pa ni David ang transmisyon ng mas nakahahawang Omicron variant noong Enero at ang simula nang surge ng BA.5 at BA.4 subvariants nito noon namang Hunyo.

Pagdating aniya ng Agosto ay pababa na ang wave ng mga kaso ngunit bigla itong tumaas ulit noong Setyembre.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

“Natagalan ang wave natin. Hindi lang natagalan, pagdating ng August, pababa na siya pero biglang tumaas ulit nung September... Sa analysis namin, 'yung pagtaas na ‘yun nu'ng September ay ayan na 'yung XBB, sa palagay namin,” ani David, sa isang panayam sa radyo nitong Linggo.

Sa kasalukuyan naman aniya, ang bugso ng COVID-19 sa NCR ay bumababa na.

Ang positivity rate nito ay bumaba na rin sa 12.9% mula sa dating 19% noong Setyembre.

“Umabot ‘yan ng mga 19% noong September. So pababa naman siya,” dagdag ni David.

Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19, mula sa kabuuang bilang ng mga taong isinailalim sa pagsusuri.

Una nang kinumpirma ng Department of Health (DOH) na naitala na nila sa Pilipinas ang may 81 kaso ng Omicron XBB subvariant at 193 kaso ng XBC variant.

Noong Biyernes naman, sinabi ng DOH na mayroon na rin silang naobserbahang localized community transmission ng XBB sa Western Visayas, at XBC naman sa Davao at Soccsksargen.