Kinumpirma ng pulisya na mayroong depositong ₱550,000 sa bank account ni self-confessed gunman Joel Escorial na kabayaran sa pagpatay sa broadcaster na si Percival "Percy Lapid" Mabasa.

Sinabi ni Southern Police District (SPD) chief, Brig. Gen. Kirby Kraft na namumuno rin sa Special Investigation task force na may hawak sa kaso ni Lapid, na nasilip na nila ang bankbook ni Escorial kung saan unti-unting idineposito ang kabuuang ₱550,000.

“Sinurrender na ng ating gunman na si Joel ang kanyang passbook kung saan meron nag-deposit ng ₱550,000 sa bank account bilang bayad sa pagpatay kay Percy,” ayon sa opisyal.

Sa naunang extra-judicial confession ni Escorial, tinawagan umano siya ng umano'y "middleman" na si Crisanto Villamor, Jr. na nakakulong sa National Bilibid Prison (NBP) nitong Setyembre 15 upang ipaalam na naihulog na sa kanyang bank account ang paunang bayad na ₱100,000 para sa pagpaslang kay Lapid.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

Isa pa aniyang dagdag na ₱100,000 ang idineposito sa account ni Escorial nitong Setyembre 16, ang araw kung saang sinimulang manmanan ng grupo nito si Lapid.

Ang huling naideposito sa bank account ni Escorial ay aabot sa ₱350,000 na binubuo ng ₱50,000 (una) at ang ikalawa na ₱300,000, ayon sa pulisya.

Binanggit din ng pulisya na nagkaroon ng withdrawal transactions si Escorial simula Setyembre 15 hanggang Oktubre 11.

Ayon kay Kraft, hindi pa nila natutukoy ang nagdeposito sa bank account ni Escorial dahil na rin sa umiiral na Bank Secrecy Law.

Gayunman, nakikipag-ugnayan pa rin sila sa bangko upang makakuha ng iba pang ebidensya sa ikalulutas ng kaso.

Matatandaang namatay si Villamor habang nakakulong sa NBP nitong Oktubre 18 apat na oras matapos iharap sa publiko ang sumukong si Escorial kung saan itinuro niya ito bilang umano'y "middleman" o nag-utos sa kanila na paslangin si Lapid.

Sinabi ng mga awtoridad na "dumugo ang puso" ni Villamor na sanhi umano ng kanyang pagkamatay.

Si Lapid ay napatay matapos tambangan habang lulan ng kanyang kotse sa labas ng BF Resort Village sa Las Piñas noong Oktubre 3 ng gabi.