Pinatawan na ng preventive suspension si Bureau of Corrections (Bucor) Gerald Bantag kasunod na rin ng misteryosong pagkamatay ng isang preso na umano'y "middleman" sa pagpatay sa mamamahayag na si Percival "Percy Lapid" Mabasa.
Sa pahayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla, isinagawa ang hakbang upang bigyang-daan ang "patas na imbestigasyon sa pagkamatay ng presong si Crisanto Palana Villamor, Jr. habang nakakulong sa National Bilibid Prison (NBP) nitong Oktubre 18 ng hapon.
“I went to the President to tell him about this... he asked me to preventively suspend Undersecretary, Director General Bantag of Bucor, so that there may be a fair and impartial investigation on the matter,” sabi ni Remulla sa isang pulong balitaan nitong Biyernes.
Pansamantalang papalitan ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gregorio Catapang, Jr. si Bantag sa kanyang puwesto.
Nitong nakaraang Martes, iniharap sa mga mamamahayag ang sumukong aminadong bumaril kay Lapid na si Joel Escorial at sinabing isang preso sa NBP ang "middleman" na nag-utos sa kanila upang patayin ang naturang mamamahayag.
Si Villamor ay namatay apat na oras matapos humarap sa publiko si Escarion nitong Oktubre 18, batay na rin sa medical certificate nito.
Matatandaang pinagbabaril at napatay si Lapid habang pauwi ito sa BF Resort Village sa Las Piñas City nitong Oktubre 3 ng gabi.