Hindi kaagad ipinaalam ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Philippine National Police (PNP) ang misteryosong pagkamatay ng umano'y "middleman" sa pamamaslang kay hard-hitting broadcaster Percy Lapid (Percival Mabasa) kahit dalawang araw na ang nakararaan.

Ito ay nang maglabas ng pahayag si PNP officer-in-charge Lt. Gen. Rhodel Sermonia, nitong Huwebes na nasa kulungan pa ang nasabing "middleman" na nag-utos umano kay Joel Escorial na paslangin si Lapid.

"The "middleman" who contacted Joel Escorial is now in jail. He is still undergoing trial waiting for a decision (sa ibang kaso). It's a drug-related case. We need to secure the middleman because he will be a great help in establishing who is the mastermind," sabi ni Sermonia sa panayam ng telebisyon nitong Oktubre 20 ng umaga.

Sa medical certificate na inilabas ng National Bilibid Prison (NBP) Hospital sa Muntinlupa, eksaktong 2:05 ng hapon nitong Oktubre 18 nang ideklarang dead on arrival sa ospital ang naturang "middleman."

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Ito rin ang napuna ng kapatid ni Lapid na si Roy Mabasa at sinasabing hindi nakipagtulungan ang BuCor sa PNP.

"Parang merong nangyaring hindi maganda diyan between the PNP and the BuCor. Hahayaan natin ang PNP at ang BuCor magpalabas ng kanilang mga statement itong mga susunod na araw sapagkat ito ay clearly na kapalpakan sa coordination," pagdidiin ni Mabasa.

Matatandaang sumuko sa mga awtoridad si Escorial kamakailan matapos umanong lumabas ang kanyang larawan sa publiko at isinasangkot sa kaso.

Si Escorial at ang magkapatid na kasabwat umano na sina Edmon at Israel Dimaculangan at isang alyas "Orly" o "Orlando" ay sinampahan na ng kaso sa pamamaslang kay Lapid.

Aminado si Escorial na siya umano ang bumaril kay Lapid at sinabing isang "middleman" na nakapiit sa NBP ang nag-utos sa kanila na isagawa ang krimen.

Nitong Oktubre 3 ng gabi, pinagbabaril si Lapid habang minamaneho ang kanyang kotse, hindi kalayuan sa kanilang bahay sa BF Resort Village, Las Piñas City.