Dismayado ang kapatid ng napatay na si Percy Lapid (Percival Mabasa) kaugnay sa pagkamatay ng umano'y "middleman" na itinuturong nagpapatay sa nasabing broadcaster kamakailan.
Ang nasabing "middleman" ay naiulat na binawian ng buhay sa hindi pa malamang dahilan habang nakakulong sa National Bilibid Prison (NBP) nitong Oktubre 18 ng hapon.
"Iyong sa akin lang po ay siguro iyong panawagan ko noong umpisa na ang Pangulo (Ferdinand Marcos, Jr.) mismo ang manguna rito. Eh, palibhasa hindi yata nakikinig ang pangulo eh. Kaya po nagkakaganito ito sapagkat ang pakiramdam ko ay parang wala yatang interes ang Malacañang," pahayag ni Roy Mabasa sa isang television interview.
"Kung kayo ay interesado rito sa kasong ito, babantayan niyo ang bawat hakbang nito. Sino ba ang kumukumpas dito sa kaso? Hindi ko maintindihan eh," pagtatanong ni Mabasa.
Napatay si Lapid matapos pagbabarilin habang sakay ng kanyang kotse sa Las Piñas City nitong Oktubre 3.
Nauna nang naglabas ng teorya ang pulisya na may kinalaman sa trabaho ang krimen.
Kamakailan, nanawagan sa Pangulo si Mabasa na makialam sa paglutas ng kaso.
Sa isang pagtitipon aniya na inorganisa ng Manila Overseas Press Club nitong Oktubre 5, naging bisita si Marcos at nangakong poprotektahan nito ang karapatan ng mga mamamahayag. Gayunman, hindi umano nito binanggit ang kaso ng kanyang kapatid.
"Nalungkot nga tayo kasi wala namang nabanggit dun na specifics. In fact, ni hindi nga nabanggit 'yung kaso ni Ka Percy dun sa gathering ng mga mamamahayag which is for me very ironic. Very ironic sa akin 'yun," sabi ni Mabasa.
Si Lapid ay kritiko ng administrasyong Duterte at ng ilang opisyal ng Marcos administration.
Sa kabila nito, bumisita pa rin sa burol ni Lapid siExecutive Secretary Lucas Bersamin at ipinaabot sa pamilha ang pakikiramay ni Marcos.
"Sinabi niya na ang Pangulo ay very much concerned about this case dahil ito nga 'yung kakaibang kaso na under this new administration, pangalawang media killing at ito ay nangyari sa Metro Manila, tsaka sa isang middle and upscale subdivision," sabi nito.
Nitong Miyerkules, nanawagan si Mabasa sa mga awtoridad na i-secure ang umano'yt "middleman" sa pangambang matulad ito sa sinapit ng mga high-profile detainees na biglang namatay sa NBP.
"I hope hindi natin palalagpasin itong pagkakataon na maiharap ito (middleman), at makunan ng sariling statement, at maituro sa mas lalong madaling panahon kung sino yung mastermind," sabi ni Mabasa nitong Oktubre 19.
"Kasi, kinakabahan tayo kapag ang kuwento ay 'galing sa Bilibid', sapagkat sariwa pa sa ating kaisipan 'yung namatay na mga high-profile inmates diyan sa loob ng Bilibid. Especially nung kasagsagan ng Covid, idineklarang puro Covid ang sakit ng mga ito (kaya) namatay, na abo na lang ang makikita natin. Samakatuwid, natatakot tayong maging ganun ang kauuwian nitong ating middleman," banggit nito.
Nitong Oktubre 18, iniharap sa publiko ang sumukong self-confessed gunman na si Joel Escorial at ibinunyag na isang "middleman" na nakakulong sa NBP ang nag-utos sa kanila na patayin si Lapid.
"Sobrang lungkot po ng pamilya namin sa pangyayaring ito. Hindi po namin maubos maisip kung papaanong nangyayari ito sa supposedly ay isang sibilisadong bansa na kagaya natin.Nanlulumo po kami sapagkat napakalaking breakthrough sana itong mga developments na nangyayari. Ilang araw pa lamang ay meron nang mamamatay na supposedly vital dito sa magiging kaso na isinampa natin," dagdag pa nito.'