Patay ang isang rider at kanyang angkas nang mabangga at makaladkad ng isang dump truck ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa Antipolo City nitong Lunes, Oktubre 17.

Kapwa dead on arrival sa Rizal Provincial Hospital ang mga biktimang sina Leandro Luico Ramos, 63, at kanyang angkas na si Nornarita Buendia, 50, dahil sa pinsala sa ulo at katawan, habang arestado naman ang driver ng truck na si Nilo Torres, 62.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, nabatid na dakong alas-11:05 ng umaga nang maganap ang insidente sa intersection sa Circumferential Road, Brgy. San Isidro, sa Antipolo City.

Base sa kuha ng dash cam ng Sinotruck dump truck na may plakang NFD-5188, lumilitaw na bago naganap ang aksidente ay kapwa binabagtas ng motorsiklo at ng dump truck ang Circumferential Road patungong Sumulong Highway.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Makikitang sakay sina Torres at Buendia ng isang Suzuki Smash na may plakang 392 OIM at nasa kanang bahagi ito ng dump truck na minamaneho ni Torres.

Gayunman, pagsapit sa intersection ay bigla umanong nag-overtake ang motorsiklo ngunit nang nasa unahan na ito ay minalas na mabangga ito at makaladkad pa ng dump truck ng may 17 metro.

Ang backrider ay nahulog mula sa motorsiklo habang ang rider naman ay naipit sa pagitan ng kaliwang hulihang gulong ng truck na nagresulta sa kanilang kamatayan.

Ang suspek ay nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in double homicide at damage to property sa piskalya.