Layong patawan ng taripa ng movie star at ngayo'y Senador Robinhood "Robin" Padilla ang mga katapat na materyales mula sa ibang bansa upang matulungan ang lokal na industriya ng pelikula na makabuo ng mas maraming pelikula at teleseryeng Pilipino.

Sinabi ni Padilla na ang mga malilikom na pondo mula sa mga taripa ng mga “imported” na palabas ay maaaring gamitin sa pagbibigay ng tulong sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa industriya ng pelikula.

“Maaari po bang gawan natin ng paraan na taasan ang tax nitong mga foreign series na pumapasok sa atin? Kahit paano po ang subsidy na makukuha, bigay natin sa mga manggagawa sa industriya natin sa local… Sampahan natin itong mga pagpasok ng foreign dahil maraming nawawalan ng trabaho dito,” aniya sa isang Senate hearing sa panukalang budget ng Film Development Council of Pilipinas (FDCP) para sa 2023.

Sinuportahan din ni Padilla ang pagbibigay ng karagdagang pondo sa FDCP para sa pagpapanumbalik ng mga lumang pelikula sa Pilipinas, gayundin ang pagnanais ng FDCP na magkaroon ng sariling gusali na may sariling vault para mapanatili ang mga lumang pelikulang Pilipino.

Ethics complaint mula sa indigenous group, inihain laban kay Rep. Castro; dapat daw tanggalin sa puwesto?

Ayon kay FDCP Chairman Tirso Cruz III, ang gusali ay tatagal ng hindi bababa sa 40 hanggang 50 taon, at ang P500,000 buwanang upa ay maaaring i-realign sa pagtulong sa mga manggagawa sa industriya ng pelikula, lalo na sa mga batang direktor at scriptwriters.

Gayundin, suportado ni Padilla ang ideya ng paggawa ng mga tourism sites sa mga lugar kung saan ginawa ang mga pelikulang Pilipino.

“Ang pelikula pag tiningnan natin investment na ito habang buhay. Kung preserved or restored walang pagtanda dito. Kasaysayan ito, kultura. Ito masasabi na treasure natin,” dagdag niya.

“Dito sa Southeast Asia tayo unang gumawa ng pelikula at palagi tayong nananalong best actor, best picture sa Asia. Lahat po ay nagmamalasakit sa pelikulang Pilipino. Siguro ito ang umpisa na makaabante tayo,” aniya.

Mario Casayuran