Nasa 22,700 na indibidwal ang naapektuhan ng paghagupit ng bagyong Neneng sa ilang lugar sa Luzon.

Ito ay batay na rin sa datos na isinapubliko ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes, Oktubre 17.

Kabilang sa naapektuhang populasyon ay nasa 86 na barangay sa Ilocos, Cagayan at sa Cordillera.

Sa naturang bilang, 678 katao ang nananatili pa rin sa 30 na evacuation center habang ang 248 na indibidwal ay nanunuluyan sa iba't ibang lugar.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

Aabot naman sa 3,702 katao o 1,174 pamilya ang inilikas sa Cagayan dahil na rin sa banta ng bagyo, ayon sa NDRRMC.

Nakapagtala rin ang NDRRMC ng 59 na insidente ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Cagayan.

Apektado rin ang 34 na bahagi ng kalsada at 12 na tulay sa Ilocos, Cagayan, at Cordillera.

Sarado rin sa mga motorista ang 29 na kalsada at 12 na tulay sa mga nabanggit na lugar.

Putol pa rin ang suplay ng kuryente sa 25 na lungsod at bayan sa Ilocos at Cagayan, dagdag pa ng NDRRMC.

Nitong Linggo ng gabi, tuluyan nang lumabas ng Philippine area of responsibility ang naturang bagyo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).