Kahit si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ay humingi na rin ng paumanhin kasunod ng kontrobersyal na pagbisita ng mga pulis sa bahay ng ilang mamamahayag sa Metro Manila kamakailan upang alamin kung mayroong silang natatanggap na banta sa buhay.

"While the move is coming from good faith… it created panic. If it created panic, pasensya na. Hindi na mauulit ito,” sabi ni Abalos sa isang panayam nitong Linggo.

"Pasensya na po kung nagkaroon ng undue fear sa baba,” ayon sa opisyal.

Ang hakbang ng kalihim ay kasunod ng paghingi rin ng paumanhin ng pamunuan ng Eastern Police District (EPD) matapos umalma ang mga mamamahayag na binisita ng mga pulis sa kani-kanilang bahay, dahil sa paglabag sa kanilang privacy.

Padilla, binara si Castro kontra VP Sara: 'Ipagpaliban muna maduming pulitika!'

Kabilang ang bahay ni ABS-CBN reporter Adrian Ayalin sa binisita ng mga pulis sa Marikina.

Naiulat na nagkataon na wala si Ayalin sa kanila nang magtungo ang mga pulis sa bahay nito.

Aniya, hinahanap siya ng mga pulis at hinihingi rin ang contact details nito.

“Okay naman 'yung pagbisita ng mga pulis kasi part naman talaga ng trabaho nila 'yun na protektahan hindi lang ang media pero kung hindi lahat ng mamamayan,” lahad nni Ayalin.

“Yung nakakabahala lang kasi biglaan… 'Yung mga pamilya natin sa bahay natin, nag-aalala sila kapag may pulis na dumating,” dagdag pa nito.

Hindi rin sa nakaligtas si commentator David Oro sa kahalintulad na insidente.

Sinabi ni Oro, dalawang beses na pinuntahan ang kanyang bahay--una ay pawang naka-uniporme ang mga pulis at ang ikalawa ay naka-sibilyan na ang mga ito.

“Yung bagay na 'yun ay ina-appreciate ko pero para sa akin medyo nagulantang ako, nagulat ako.After 2 days lamang ay may pumunta na naman sa akin na hindi naka-uniform na 2 pulis at ang dala-dala ay hindi rin marked vehicle,” banggit ni Oro.

“Ang hindi maganda doon, hindi man lang nag-iwan ng pangalan o contact number man lang para sana ay makatawag ako,” reaksyon pa ni Oro.

Dismayado rin si GMA reporter JP Soriano nang bisitahin din siya ng isang nagpakilalang pulis sa bahay nito sa Marikina nitong Sabado.

"Tinanong kung puwede akong kuhanan ng picture for documentation and I politely declines.Linawin ko lang po na hindi ang intensyong tulungan at proteksyunan kami ng PNP ang naging issue for me… pero, bakit po sa bahay namin? Paano at saan nila nalaman ang aming home address at bakit ako kailangan kuhanan?” anito,

“Isa po itong malinaw na paglabag sa Privacy Act," pahabol pa ni Soriano.

Dahil dito, pinaplano ni Abalos na makipagpulong sa mga media organization at sa kanilang kumpanya upang hindi na maulit ang insidente.