Ayaw na nalalasing at nakikitang umiiyak ang ama dahil sa pumanaw niyang mommy kaya’t todo-sita ang apat na anyos na si Zia sa kaniyang tumatagay na daddy sa isang viral video kamakailan.

Kinagigiliwan ngayon ng libu-libong netizens ang dalawang viral video ng baby girl na si Zia sa Tondo, Manila habang sinusundo ang amang si Alec Pador na umiinom sa labas ng bahay kasama ang mga pinsan.

Sa unang video, makikita ang nagagalit nang apat na anyos habang sinisita ang amang hawak ang bote ng alak.

“Bitawan mo ‘yan!” paulit-ulit na giit ni Baby Zia sa ama habang nagsasalubong na ang mga kilay nito.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Sinubukan pang pakiusapan ng ama ang bunso sa ikalawang video ngunit bigo pa rin itong makumbinsi ang anak.

Milyun-milyong views na ang inani ng naturang video na kuha ng pinsan ni Alec na si Neil.

Bagaman patuloy na kinagiliwan ng libu-libong netizens, may malungkot at nakakaantig na kuwento ang viral na pagsundo ng bunso sa ama.

Noong Hulyo lang, naulila sa kaniyang ina si Baby Zia dahil sa isang karamdaman.

Sa patuloy na pagdadalamhati ng kaniyang Daddy Alec sa tuwing nalalasing ito, ayaw nang nakikita ng apat na anyos na anak na umiinom ang ama, dahilan para sa cute na cute nitong paninita sa viral video.

Sa pag-uulat, tumabo na ng halos pitong milyong views at mahigit 84,000 shares ang viral video sa Facebook.