Tataas pa at inaasahang papalo na sa mahigit ₱152 milyon ang jackpot prize ng SuperLotto 6/49 sa susunod na bola nito ngayong Huwebes, Oktubre 13.

Ayon kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Vice Chairperson at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles, walang nagwagi sa ₱145,637,528.40 na jackpot prize ng SuperLotto 6/49 na binola nitong Martes ng gabi kaya’t tataas pa ang premyo nito.

Wala kasi aniyang nakahula sa six-digit winning combination nito na 46-19-08-14-43-23.

Gayunman, may 17 mananaya ang muntik nang maging instant milyonaryo matapos na makahula ng tig-limang numero.  Sila ay nakapag-uwi ng tig-₱50,000 na second prize.

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Nabatid na wala ring nakahula sa six-digit winning combination ng UltraLotto 6/58 na 13-52-04-18-01-24 na binola din nitong Martes ng gabi.

Dahil dito, wala ring nakapag-uwi ng katumbas nitong jackpot prize na ₱122,557,068.80 kaya’t madaragdagan pa ang naturang premyo at aabot na sa higit ₱130 milyon sa susunod na bola nito sa Biyernes ng gabi, Oktubre 14.

May 13 namang bettors ang nagwagi ng tig-₱120,000 na second prize para sa natamaang tig-limang tamang numero. 

Kaugnay nito, hinikayat ni Robles ang publiko na magtungo na sa pinakamalapit na lotto outlet sa kanilang lugar at tumaya na sa kanilang lotto games upang magkaroon ng tiyansang maging susunod na lotto millionaire.

Ayon kay Robles, walang talo sa pagtaya sa mga PCSO games dahil hindi man maging instant millionaire ay may tiyak namang makakatulong sa kawanggawa.

Ang SuperLotto 6/49 ay binubola tuwing Martes, Huwebes at Linggo habang ang UltraLotto 6/58 ay binubola naman tuwing Martes, Biyernes at Linggo.