Hindi bababa sa siyam na transwoman ang nagsasagawa umano ng kidnapping-for-ransom upang matustusan umano ang kanilang mga gastusing medikal para sa 'sex change,' ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kamakailan.

Naaresto ang ilan sa mga suspek na sina Jun Francis Villa, Lawrenz Lingo, Jhonas Belonio, Bernardo Torres at Mark Joseph matapos humingi ng tulong sa CIDG ang biktima na isang 58-anyos Taiwanese businessman.

Ang biktima ay kinidnap ng grupo noong Setyembre 3 at dinala sa safe house sa Parañaque City.

Apat na araw bago ito pinakawalan ng mga suspek at nakakuha ang mga ito ng P308,000 ransom money sa pamamagitan ng e-wallet app.

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

Na-track naman ng operatiba ng CIDG ang account holders at humantong sa pagsuko nina Dewie Shaine Collado Garcia, Charlemagne Vargas, at Christian Paredes. 

Ibinunyag ng mga ito na ang sim card na kanilang pagmamay-ari ay binili ng umano'y gang leader na si Mike Collado Ebol.

Samantala, ang mga suspek ay miyembro umano ng "Warla Kidnapping Group" na kumikilos sa katimugang bahagi ng Metro Manila, partikular sa Parañaque, Pasay, Taguig, at Makati.

“During the course of investigation, it was disclosed that the group was formed in 2018 where its identified nine members are all transgender women. The group already victimized more or less 14 victims including the Taiwanese businessman,” ayon kayCIDG director Police Brig. gen. Ronald Lee.

“They were able to collect a total ransom money amounting to P4.2M which will be used for their sex reassignment surgery or ‘sex change’,” dagdag pa niya.

Nagsasagawa ngayon ng follow-up operations ang CIDG laban kay Ebol at sa iba pang miyembro ng grupo na sinaLexi Villanueva, Jaine Martinez, Hector Magallanes, Erwin Flores at Matthew San Diego.