Hinikayat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang publiko na magtungo na sa pinakamalapit na lotto outlets sa kanilang lugar at tumaya na sa lotto games upang magkaroon ng tiyansang maging susunod na instant milyonaryo.

Batay sa inilabas na jackpot estimates ng PCSO, aabot na sa₱130 milyon ang jackpot prize ng SuperLotto 6/49 sa susunod na bola nito sa Huwebes, Oktubre 6.

Ang pagtaas ng jackpot prize ay kasunod na rin nang pagkabigo ng mga mananaya na mahulaan ang six-digit winning combination ng SuperLotto 6/49 na 11-07-36-34-41-32 na binola nitong Martes ng gabi.

Dahil dito, hindi naiuwi ang katumbas nitong jackpot prize na₱123,277,014.40.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Mayroon namang walong mananaya na muntik nang maging instant milyonaryo matapos na makahula ng tiglimang tamang numero.Sila ay nakapag-uwi ng second prize na tig-₱50,000.

Ang jackpot prize naman ng Lotto 6/42 ay inaasahang tataas na rin sa₱31.5 milyon matapos na hindi rin mahulaan ang six-digit winning combination nito na 40-38-35-32-29-06 na binola rin nitong Martes ng gabi.

Dahil dito, wala ring pinalad na makapag-uwi ng katumbas nitong jackpot prize na P28,682,317.60.

Mayroon namang 12 mananaya na nakapag-uwi ng tig-₱24,000 na second prize para sa nahulaang tiglimang tamang numero.

Samantala, inaasahan ng PCSO na tataas rin at aabot na sa₱113 milyon ang jackpot prize ng UltraLotto 6/58 sa susunod na bola nito sa Biyernes, Oktubre 7.

Ayon sa PCSO, wala ring nakahula sa six-digit winning combination ng UltraLotto 6/58 na 30-56-50-06-58-25 na binola nitong Martes ng gabi kaya’t wala pa ring pinalad na magwagi sa katumbas nitong jackpot prize na₱106,603,267.20.

Mayroon namang limang mananaya ang nakapag-uwi ng tig-₱120,000 na second prize para sa nahulaang tiglimang tamang numero.

Una nang sinabi ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles na walang talo sa pagtaya ng lotto at iba pa nilang palaro dahil hindi ka man maging susunod na milyonaryo, ay tiyak namang nakatulong ka sa kawanggawa.

Ang SuperLotto 6/49 ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Linggo habang ang UltraLotto ay binobola naman tuwing Martes, Biyernes at Linggo.

Ang lotto draw naman sa Lotto 6/42 ay tuwing Martes, Huwebes at Sabado.