Kumalat sa TikTok ang video clip mula sa Instagram Live ni Dani Barretto, panganay na anak ni Marjorie Barretto sa aktor na si Kier Legazpi, at pamangkin ni Optimum Star Claudine Barretto, kung saan nagkuwento siya ng ilang mga bagay patungkol sa pumanaw na aktor na si Rico Yan.

Si Rico Yan ay naging on-screen love team ng kaniyang Tita Claudine, na eventually ay naging karelasyon sa tunay na buhay. Nauntag ng mga netizen si Dani kung ano ang mga hindi niya malilimutang alaala kaugnay kay Rico, noong bata pa siya.

Naibunyag ni Dani na si Rico pala minsan ang naghahatid at nagsusundo sa kaniya mula sa paaralan, kapag pumapasok siya.

"Si Tito Rico, I have really fond memories of him. He used to bring me up to school, pick me up at school, tapos sinasama niya ako sa badminton niya," ani Dani.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Bukod dito, si Rico rin ang nagturo sa kaniya kung paano kumain ng prutas na strawberries.

"Marami akong fond memories sa kaniya," emosyunal na sabi pa ni Dani habang kumukuha ng tissue paper.

Minsan din ay natutulog si Dani sa condo nito, na malapit lang din sa kanilang paaralan. Kapag nasa taping umano ang kaniyang Tita Claudine ay naiiwan silang dalawa ng kaniyang Tito Rico.

Naantig naman ang mga netizen sa mga ibinahagi ni Dani at muling nanariwa sa kanila ang mga alaala ng yumaong aktor.

Natagpuang patay si Rico noong Marso 29, 2002 ng kaibigang aktor na si Dominic Ochoa, sa kaniyang silid habang nakabakasyon sa Dos Palmas Resort sa Puerto Princesa, Palawan.

Ang itinuturong dahilan nito ay atake sa puso dahil sa acute hemorrhagic pancreatitis habang natutulog.