Sisimulan na sa Lunes, Oktubre 3, ang nakatakdang anim na taong pagsasara sa daloy ng trapiko ng kahabaan ng Meralco Avenue, sa Ortigas, Pasig City.

Sa abiso ng Department of Transportation (DOTr) nitong Sabado, muli nitong pinaalalahanan ang publiko hinggil sa naturang road closure upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng isasagawang civil works para sa Ortigas at Shaw Boulevard Stations ng Metro Manila Subway Project (MMSP).

Anang DOTr, sakop ng road closure ang front section ng Capitol Commons hanggang sa kanto ng Shaw Boulevard.

Epektibo anila ang pagsasara ng kalsada sa loob ng anim na taon o hanggang sa taong 2028.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Kaugnay nito, pinapayuhan naman ng DOTr ang mga motorista na sundin ang traffic rerouting scheme na isasakatuparan ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Alinsunod sa naturang iskima, ang mga public utility jeepneys (PUJs) na mula Meralco Avenue patungong Shaw Boulevard ay ire-reroute sa Captain Henry Javier St. patungong Danny Floro St. at pabalik.

Ang mga modernized jeepneys naman na mula Meralco Avenue patungong Shaw Boulevard ay ire-reroute sa Dona Julia Vargas Avenue patungong San Miguel Avenue at vice versa habang ang mga UV Express Vehicles/Units na mula Meralco Avenue patungong Shaw Boulevard ay ire-reroute sa Dona Julia Vargas Avenue patungong San Miguel Avenue o Anda Road hanggang sa Camino Verde.

Samantala, ang mga pribadong sasakyan naman ay maaring dumaan sa alinmang available na ruta.