Nagdulot umano ng trapiko sa mga motoristang bumabaybay sa northbound lane ng EDSA Busway Station sa Pasay City ang isang lalaking nagsisisigaw at nagwala dahil sa niloko umano siya ng kaniyang nobya.

Ayon sa Facebook post ng InterAgency Council for Traffic (IACT), pumasok sa busway ang lalaki na umiiyak at nagsisigaw habang pinakakalma ng nobya.

Kaagad na rumesponde ang mga tauhan ng I-ACT, Philippine Coast Guard (PCG), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang pakalmahin at awatin ang lalaki at dalhin sa presinto.

“Hindi soul-searching, kundi gulo-searching ang ginawa ng isang lalaking sawi sa pag-ibig, kaninang umaga, sa kalagitnaan mismo ng Pasay Taft Avenue Busway Station," ayon sa Facebook post.

National

4.4-magnitude na lindol, tumama sa Davao de Oro

“Pansamantalang naantala ang biyahe ng mga bus sa northbound lane ng nasabing istasyon matapos pumasok sa mismong busway ang lalaki na kalaunay nagwawala at inaawat umano ng kanyang dating kasintahan sa kanto ng Cuneta Avenue, Pasay City."

“Isang mahigpit na yakap mula sa lalaki ang sinalubong ng isa nating operatiba."

“Tila naghahanap ito ng kakamping mapaglalabasan ng sama ng loob dahil habang nakayakap, napaiyak at pasigaw na nagsumbong ito na niloko umano siya ng kanyang dating kasintahan."

“Pilit siyang pinapakalma ng ating mga operatiba ngunit nag-iba ang ihip ng hangin at hindi pala ito ang gusto ng lalaki."

Naghamon pa raw ng suntukan ang naturang kelot sa mga umawat na miyembro ng operatiba.

“Para daw mailabas ang kaniyang sama ng loob sa panloloko ng kanyang naging nobya, bigla na lamang nitong itinulak at hinamon ng suntukan ang isa sa ating mga operatiba."

“Mabilis naman nakailag sa suntok ang mga ito sabay restraint sa lalaki. Hindi pa rin siya napigil maglabas ng sama ng loob kahit pinakapakalma na siya ng dating nobya."

“Agaran din nakaresponde ang ating kapulisan at dinala ang dating magkasintahan sa Pasay Community Precint 6 upang imbestigahan sa nangyaring insidente."

Pinuri ng Task Force ang maagap na pagresponde ng mga kinauukulan.

"Saludo ang Task Force sa maagap na responde ng ating mga operatiba na sina PCG ASN Hassan, ASN Lomeda, SN2 Gadja, at Team Leader Naral."

"Masaya o sawi man sa pag-ibig, bukas-palad tatanggapin ng I-ACT at DOTr ang lahat sa EDSA Busway Carousel," anila pa.