Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 1,400 karagdagang kaso ng Omicron Covid-19 variant at siyam na bagong kaso ng Delta variant sa Pilipinas.

Batay sa datos na inilabas ng DOH nitong Martes, nabatid na mula sa 1,400 bagong kaso ng Omicron., 1,200 ang kabilang sa BA.5 subvariant; 33 ang BA.4; tatlo ang BA.2.75; dalawa ang BA.2.12.1 at 162 ang nasa ilalim ng kategoryang "other sublineages."

Pinakamaraming naitalang bagong BA.5 infections sa Region 2, na nasa 208; kasunod ang Region 12 na may 178 cases habang ang Cordillera Administrative Region (CAR) ay mayroon namang 166 bagong kaso.

Sa mga bago namang BA.4 cases, 31 ang mula sa Region 12 at dalawa sa Region 10.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list

Sa BA.2.75, dalawa ang mula sa Region 7 habang isa ang mula sa CAR.

Tig-isang bagong kaso naman ng BA.2.12.1 ang naitala sa Region 2 at CAR.

Samantala, sa siyam na bagong Delta cases, lima ang naitala sa Region 12; tatlo sa Caraga at isa sa CAR.

Anang DOH, ito ay batay sa resulta ng latest sequencing run na isinagawa nila mula Setyembre 24 hanggang 26.

Ang mga specimen naman na isinailalim sa sequencing ay nakolekta mula Agosto 2, 2022 hanggang Setyembre 16, 2022.