Hinikayat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang publiko na magtungo na sa pinakamalapit na lotto outlet sa kanilang lugar at tumaya na sa kanilang mga lotto games at iba pang palaro, upang magkaroon ng pagkakataong maging susunod na lotto millionaire.

Ito’y matapos na tumaas muli ang mga papremyo ng mga lotto games ng PCSO dahil walang nagwagi ng jackpot prize sa mga katatapos nitong lotto draw.

Ayon kay PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles, walang nakahula sa six-digit winning combination ng Super Lotto 6/49 na 12-11-14-03-44-27, na binola nitong Linggo ng gabi kaya’t hindi napanalunan ang katumbas nitong premyo na ₱98,614,447.80.

Dahil dito, tataas pa ang naturang premyo at papalo na sa higit ₱101 milyon sa susunod na lotto draw sa Martes, Setyembre 27.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Mayroon namang 25 mananaya ang nakapag-uwi ng tig-₱50,000 na second prize para sa nahulaang tig-limang tamang numero.

Samantala, wala rin namang tumama sa Ultra Lotto 6/58 na may jackpot prize na ₱88,507,365 na binola nitong Linggo rin ng gabi, dahil walang nakahula sa six-digit winning combination nito na 50-43-12-05-46-54.

Inaasahang tataas na rin ang naturang premyo at aabot na sa higit ₱91 milyon sa sunod na bola nito sa Martes.

Mayroon namang isang mananaya na nakapag-uwi ng ₱120,000 na second prize para sa nahulaang limang tamang numero.

Batay naman sa estimated jackpot ng PCSO, ang papremyo ng Lotto 6/42 ay aabot na rin sa ₱18 milyon sa Tuesday draw.

Ang Super Lotto 6/49 ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Linggo habang ang UltraLotto 6/58 ay tuwing Martes, Biyernes at Linggo naman.

Ang Lotto 6/42 ay binobola naman tuwing Martes, Huwebes at Sabado.