Kamakailan lamang ay kinaantigan ng damdamin ng mga netizen ang viral video ng isang binatilyong lalaki sa Tanza, Cavite, na namataang naglalakad-lakad habang nakasuot ng uniporme sa paaralan at may pasan-pasang stainless na balde, na kinalalagyan ng kaniyang panindang taho upang maglako.

Batay sa Facebook post ng netizen na kumuha ng video sa kaniya na si "Jhap Tarog" noong Setyembre 15, nabagbag ang kaniyang puso nang makita si Gopi o Gurprit Paris D. Singh, 16 anyos, nang makasalubong niya ito sa kalsada. Napag-alaman niyang papasok ito sa paaralan nang mga sandaling iyon.

"Sobrang nakakahanga ang bata na 'to," ani Tarog.

"Pinagsasabay ang pagtitinda at pag-aaral. Laban lang sa buhay, darating din ang araw na magtatagumpay ka sa buhay."

National

SP Chiz, dinepensahan mga umano'y 'blank items' sa GAA: 'Kasinungalingan iyon'

"Ito yung dapat tinutularan na kabataan," aniya.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/09/24/grade-11-student-sa-cavite-naglalako-ng-taho-habang-papasok-sa-paaralan-recess-time/">https://balita.net.ph/2022/09/24/grade-11-student-sa-cavite-naglalako-ng-taho-habang-papasok-sa-paaralan-recess-time/

Batay sa kaniyang hitsura at apelyido, ang ama ni Gopi ay isang Indiano, at ang kaniyang ina naman ay Pilipina. Isinilang umano siya sa Cebu City subalit lumipat sila sa Tanza, Cavite.

Ayon sa ulat, maagang gumigising araw-araw si Gopi upang ihanda ang paninda niyang taho, katuwang ng kaniyang nanay, na siya namang nagluluto ng arnibal at sago na inilalahok sa panindang taho.

Kapag papasok siya sa paaralan sa pamamagitan ng paglalakad ay naglalako siya. Kapag nasa paaralan na siya, pinakikiusapan niya ang sekyu na bantayan muna ang kaniyang stainless balde. Kapag recess o pananghalian, naglalako naman siya ng mga paninda sa kaniyang mga kaeskuwela upang maubos ito.

Sa isang araw ay kumikita si Gopi ng 400 hanggang 600 piso, na malaki ang naitutulong sa kaniyang pag-aaral.

Balang-araw, nais maging Civil Engineer ni Gopi kaya hindi niya ikinahihiya ang kaniyang pagtitinda. Naniniwala rin ang Grade 11 student na lahat ng problema ay may solusyon, kagaya ng Mathematics.

"Life is like math as there is always a solution to every problem. I only wish na sana yung mga taong going through hardships or problems in life will be able to find their solutions to solve their problems, and be happy including me," aniya.

Matapos daw mag-viral ang video niya kaugnay kay Gopi, kaagad daw bumuhos ang tulong para sa kaniya. Dalawang magkaibigang negosyante na sina Mike Ivander Presa at Renz Marlon Galloba Mateo ng JRP Thailand ang agad na nakipag-ugnayan sa kaniya upang handugan siya ng isang sorpresa.

Bukod sa cash donation at grocery, binigyan din nila si Gopi ng isang electronic bicycle o e-bike na may sidecar upang magamit niya sa kaniyang paglalako ng taho. Pinalagyan pa nila ito ng pangalang "Gopi's Taho Special".

“Magagamit nya itong bagong e-bike sa pagtitinda niya ng taho. Hindi na siya mahihirapan pang magbuhat. Magagamit din niya ito pagpasok sa eskwela,” pahayag ni Mike Ivander Presa.