Naaresto ng mga otoridad ang isang lalaking wanted sa kasong statutory rape sa isinagawang police operation sa Pasig City nitong Miyerkules, Setyembre 21. 

Kinilala ni Pasig City Police OIC PCOL Celerino Sacro Jr. ang naarestong suspek na si Jomari Constantino, alyas “Toothpick,” 24, binata, checker at residente ng San Agustine St., Brgy. Palatiw, Pasig City.

Batay sa ulat, si Constantino ay nadakip ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Pasig City Police Station dakong alas-11:17 ng umaga sa kanyang tahanan.

Armado ang mga alagad ng batas ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Elma Mendoza Rafallo Lingan, Presiding Judge ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 159, nang arestuhin ang suspek sa kasong Statutory Rape na may kaugnayan sa Section 5 (a) ng Republic Act 8369 at Lascivious Conduct sa ilalim ng Section 5 (b) ng Republic Act 7610.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Walang itinakdang piyansa ang hukom para sa pansamantalang paglaya ng akusado sa kasong statutory rape na isang non-bailable offense.

Si Constantino ay pansamantala nang nakapiit sa Pasig CPS Custodial Facility habang hinihintay pa ang commitment order para sa kanya ng hukuman.