May bagong role si Senador Imee Marcos para sa isa namang online series kasunod ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Martial Law ng kaniyang ama nitong Miyerkules, Setyembre 21.

Para sa unang episode ng seryeng “Kalimutan Mo Kaya,” nagsilbing host at love guru ang senador sa isang sender na may kinahaharap na problema sa karelasyon.

Bago nito, ang bungad ng senador, “Tama na sa galit. Sobra na. Sobrang sakit na sa lahat. #JustForget. Just forget the hate and revenge. Love and forgive.”

Dito sunod na binasa ng senador ang liham ng sender na humihingi rin ng payo matapos mabiktima ng nagtataksil na karelasyon.

National

Northern Samar, niyanig ng magnitude 4.3 na lindol

“Simple lang. Kalimutan mo kaya. Hiwalayan mo. Kahit mahirap! Gaya ng sabi mo, sapat ang ganda mo! ‘E di magpaganda ka pa. Nakakapangit ang galit!” saad na payo agad ng mambabatas.

“Tignan mo, napahamak ka pa. Nandamay ka pa ng wala namang kasalanan sayo. Ganun kasi kapag puro nakaraan, nawawalan ka ng kinabukasan,” dagdag nito.

“Sa love, ang pain hindi mo maiiwasan pero yung pagdurusa choice mo ‘yan. Makipaghiwalay ka kahit mahal mo pa. Mahirap pero kaya. Hindi mo ikamamatay ang pagsuko, ang pag-move-on o ang pagpapalaya.”

“Saka ka na magpatawad ‘pag handa ka na. Hindi rin madali ang makalimot pero sabi nga mas mabilis gumaling ang sugat kapag hindi kinakalikot.”

Ang serye ay likha at isinulat ni Maid in Malacanang director na si Darryl Yap.