Umani ng batikos sa mga netizen ang ngayo’y viral na larawan ng job opening sa isang sikat na lechon manok brand kung saan malinaw na tatanggihan sa trabaho ang mga aplikanteng may tattoo.
Isang Facebook user ang tumawag sa atensyon ng tattoo community nitong Martes matapos hikayatin nitong ‘wag nang tumangkilik sa isang sikat na brand ng lechon manok dahil sa umano’y diskriminasyon sa kanilang hiring process.
Kalakip ng viral post, makikita ang anunsyo kung saan naghahanap ang nasabing brand ng grillman/food handler, cashier/receptionist at cook.
Agaw-pansin naman ang naka-bold na qualification sa parehong grillman at cook: no tattoo.
“Calling all friends with tattoo, wag na po tayo bumili sa Baliwag Lechon Manok at Liempo. makapag discriminate ng taong may tattoo kala mo malinis griller nyo?” mababasa sa public Facebook post ng user na si Ae Odatnemua.
“Saka na rin kayo mag-inarte kung ‘di binabawasan ng crew nyo manok namin ha. 'Dun tayo sa Chooks-to-Go masarap kahit walang sauce. Ang taas ng qualification nyo iihaw lang naman gagawin. Bakit mas masarap ba yung ihaw nyo pag walang tattoo?” dagdag na pabirong hirit ng Facebook user.
Umani ng sari-saring reaksyon mula netizens ang naturang job opening.
Kalakhang giit nila, diskriminasyon ang nasabing kwalipikasyon sa mga taong may burda sa katawan.
Matapos umani ng batikos, naglabas ng pahayag ang pamunuan ng brand at humingi ng paumanhin sa publiko.
“We do not discriminate against anyone regardless of their personal preferences, particularly in this instance, with regard to having tattoos,” anang Baliwag.
Tiniyak din ng brand na sasalamin sa kanilang susunod na mga job opening sa hinaharap ang natutunan sa nasabing pagkakamali.