Ibinahagi ng hunk actor at leading man na si Derek Ramsay na wala na siyang kontrata sa Kapuso Network, at malaki ang pasasalamat niyang pumayag ang management na huwag na siyang mag-renew.

Ayon umano sa ulat ng isang pahayagan, may isa't kalahating taon pa sana ang kaniyang pinirmahang kontrata sa network, subalit pumayag umano ang pamunuan ng estasyon na maaga na itong ma-expire.

Ito ay para umano matutukan pa ang kaniyang misis na si Ellen Adarna at anak nilang si Elias (anak ni Ellen sa aktor na si John Lloyd Cruz).

Sa kabilang banda, kung may darating naman daw na magandang offer sa kaniya ang network, why not coconut, tatanggapin niya ito, depende sa script.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Hindi naman nabanggit ni Derek kung may offer sa kaniya sa ibang TV network, o lulundag na siya sa iba. Matatandaang yumabong ang career ni Derek sa ABS-CBN matapos maging leading man sa iba't ibang serye at pelikula.

Sa ngayon, may nagbukas na bagong TV station---ang ALLTV, na pagmamay-ari ni dating senador at business tycoon Manny Villar.

Sa panayam naman ng isang entertainment site sa misis niyang si Ellen Adarna, wala pa rin aniya itong balak na magbalik-showbiz.

“No, not yet. I made a promise to myself na tutok muna ako kay Elias until he is seven,” diretsahang tugon ni Ellen nang matanong siya noong Agosto 27, nang ilunsad siya bilang product endorser ng isang pharmaceutical company.

Hindi pa umano keri ni Ellen ang lock-in tapings at ayaw niyang mawalay nang matagal sa kaniyang pamilya, lalo na't lumalaki na si Elias.

Pero kung magbubuntis umano si Ellen sa magiging anak ni Derek, bet daw niyang sa pagpasok ng Year of the Dragon, sa pagitan ng Pebrero 2024 hanggang Enero 2025. Pareho daw silang Year of the Dragon ni Derek kaya naman tiyak na magdadala ng suwerte sa kanila ito, ayon sa paniniwalang Feng Shui.